makamandag ang tagtuyot

June 20, 2008
                Makamandag ang tagtuyot.
Sinisipsip nito ang utak
at lakas ng ano mang may buhay 

           na kayang magpakislot ng salita.
Kapag sumagpang, hindi ito bumibitiw
hanggang hindi nalalagutan ng hininga 

ang biktima.  Minsa’y  naka-engkuwentro
                         ko ang tagtuyot, nanlilisik
ang kanyang mata, wala akong nagawa

                                  kundi ipain  ang aking leeg
                na agad niyang  sinagpang;
rumagasa ang kanyang kamandag 

                             sa aking mga ugat, umakyat
sa utak, nagdiliryo ang aking ulirat.
                  Muntik matigang ang aking lakas.

Kulog ang kanyang halakhak
                             nang inakala niyang lubusan
na niya akong nagapi.  Ngunit 

                            sa kahuli-hulihan kong sigok,
bumulwak ang mga salita,
bumangon ang mga imahen, 

                            rumagasa ang hiraya. Naumid
ang tagtuyot, nagkalasug-lasog
makikintab niyang mga pangil.

wala na akong masulingan

June 20, 2008
Gusto kitang kalimutan:

                 kung ilang beses
ko nang binagsakan
                                          ng bato
ang iyong bungo,

                               pero paulit-ulit
na nagbabagong anyo’t buhay
ang sumasambulat mong utak.

Sanlaksa sila ngayong umuusig
                                   sa akin.

Minumulto nila ako,
wala na akong masulingan
kundi ang makisilong
                            sa liwanag,

                at bagsakan ng bato
ang sarili kong bungo.