Muling nakatagpo
ang mirasol mong titig
ng mga matang mahilig maglunoy
sa ilog ng pagkagiliw.
Pintor ka. Ito marahil ang dahilan
kung bakit ang iyong titig
ay banayad na haplos sa hapong dibdib.
Ngunit maaari ring sadya kang nahalina
sa mga matang iyon na taglay
ang ligamgam ng bukang-liwayway.
Pinaliguan ka niya ng malamlam na liwanag.
Paano tatanggihan ng mirasol ang sinag-araw?
Mahal, kung mas nangingibabaw
sa talinghaga ng ilog at dilim
ang batubalani ng araw; huwag mag-atubili –
iwan mo ang halad kong tula,
sundan ang araw, huwag itikom
ang mirasol.
Subyang sa ilalim ng aking kuko
ang panakaw mong sulyap,
ang palihim mong pag-aninag sa lamyos
ng matang iyon na gustong maglunoy
sa hamog ng iyong titig.
huwag itikom ang mirasol
June 18, 2008alaala ng luwad at tapuy
June 18, 2008
Habang hinahawi
ng sinasakyan kong traysikel
ang halumigmig na nakakumot
sa bulubundukin ng Ifugao,
kinawayan ako
ng mga ilap na Mirasol
na nakatunghay sa bangin.
at hinagkan ang aking batok
ng minsan nating pagdadaop-palad
sa Banaue – noong gabing
nilasing ako ng luwad mong dibdib
at ng tapuy sa iyong hininga’t titig.
Posted by ferayag
Posted by ferayag