June 20, 2008
Hinawi niya ang nalumlom
na sinampay – mga paniking
nakabitin sa bintana
ng kanyang lungga.
Sinaksak ng mga retaso ng liwanag
ang kanyang katawan at mukha.
Muling nagtalsikan sa kaniyang ulirat
ang pulbura at mga piraso ng bakal
na gumutay sa kanyang mga binti,
at sa hininga
ng kaniyang ama’t ina, isang umagang
palabas sila ng Mosque.
Sinisid ng kanyang tingin
ang lunting alon ng bakuran.
Sa kanyang isip,
binubulabog niya ang mga butil ng hamog
na nakikipagkindatan sa sinag ng araw,
sinasalat ng kanyang talampakan
ang nagsakliwat na sapot ng gagamba.
Nahinog ang hamog
sa kanyang mga mata.
Umingit, pumihit
ang kanyang wheelchair.
Wasak na saranggolang
kumampay
ang ulila niyang
binti.
Leave a Comment » |
hiraya ng hugis at tunog | Tagged: araw, gagamba, hamog, mata, mosque, pulbura, talampakan, ulila, ulirat, wheelchair |
Permalink
Posted by ferayag
June 20, 2008
Sapagkat sangsang
ng pulburang kumitil
sa maligamgam na dibdib
ng iyong ina,
ang sumalubong
sa iyong pagsilang,
pagdamutan mo bunso
ang ulila kong bisig.
Bayaang aking iduyan
sa liyab ng pagluluksa
ang iyong kawalang muwang –
ang tanging balabal ko sa lamig
nitong sugatang pag-iisa.
Leave a Comment » |
hiraya ng hugis at tunog | Tagged: bisig, bunso, dibdib, ina, pag-iisa, pagluluksa, pagsilang, pulbura, sugatan, ulila |
Permalink
Posted by ferayag