digmaan

June 20, 2008
Hinawi niya ang nalumlom
na sinampay – mga paniking
                                           nakabitin sa bintana
                    ng kanyang lungga.

            Sinaksak ng mga retaso ng liwanag
ang kanyang katawan at mukha.

Muling nagtalsikan sa kaniyang ulirat
              ang pulbura at mga piraso ng bakal
na gumutay sa kanyang mga binti,

                                         at sa hininga
 ng kaniyang ama’t ina, isang umagang
palabas sila ng Mosque.

Sinisid ng kanyang tingin
ang lunting alon ng bakuran.

                                        Sa kanyang isip,
binubulabog niya ang mga butil ng hamog
na nakikipagkindatan sa sinag ng araw,

sinasalat ng kanyang talampakan
ang nagsakliwat na sapot ng gagamba. 

                                  Nahinog ang hamog
                         sa kanyang mga mata.

         Umingit, pumihit
                              ang kanyang wheelchair.

Wasak na saranggolang
                                                   kumampay
                             ang ulila niyang
binti.

pagaspas ng paruparo mong labi

June 18, 2008
            muli  mong nilagok
ang ilog sa aking mga mata

                    pumikit ako
             upang taimtim
       na kaulayawin 

                     ang iyong uhaw
                     ang aking uhaw

dahan-dahan  pumagaspas
     ang paruparo mong labi

dumapo sa aking noo
        kilay      pilik     talukap ng mata     ilong
   pisngi    baba    pisngi   t enga      batok       tenga
                      leeg     tenga   batok   leeg
                            baba

labi

                                 at tumigil ang lahat
                                       ang lahat lahat

maliban sa pagparoo’t parito ng mga alon
maliban sa pagtaas at pagbaba ng mga alon
maliban sa paglukot at paglatag ng mga alon

maliban sa pagparoo’t parito
	pagtaas at pagbaba
	paglukot at paglatag
                                         ng  mga  alon

maliban sa ritmo ng ating hininga
maliban sa indayog ng ating katawan. 

ganito kita itatakwil

June 18, 2008
Sa iyong pagtatksil,
ganito kita itatakwil:

                  Tatarakan ko ng krus na dugo
ang bawat puno, bawat guho
bawat damuhan, bawat dingding –

                  ang lahat ng nagpaunlak
         sa ating paglilim sa dilim.

Ipalalamon ko sa liwanag
                             ang alab  at alat,
ang halakhak at haraya
ng ating pagtataling-hininga.

Ihahabilin ko sa hangin
na ihilam sa iyong mata
                           ang lansa ng dugo,

hanggang ikaw ay mabulag
                        at hindi na makabalik
sa mga pook na sa ati’y kumupkop.