sinisilip ko ang mga titis

June 13, 2008

Walang pasubali,
hindi magkakaila ang kanilang mga mata,
lumatay sa kanilang utak
ang aking mga hagupit.

Sa simula ng klase
iwinasiwas ko ang lipunang tatsulok,
ang imahe ng sanlaksang himutok
ng masang anakpawis,
at ang langit ng uring nasa tuktok.

Isang tula ang simula,
isang tula tungkol sa pagkatuyo ng luha
ang naghatid sa amin sa iba’t ibang daigdig –
bukid at pabrika,
malakanyang at konggreso,
simbahan at paaralan at masmidya,
kulungan at korte,
barberya at karinderya at mall,
ospital at punerarya,
kuna at kamposanto.

Ginalugad namin
ang iba’t ibang larangan ng tunggalian,
pinagpag sa aming mga talampakan
ang putik at alikabok,
pinalis ang mga agiw at sapot sa utak,
pinahid ang aming mga muta at luha.

Ramdam ko rindido sila,
dinig ko ang pintig ng kanilang dibdib: ti-gib
ti-gib, ti-gib, ti-gib — tigib ng poot at paglilingkod,
halos paampon sa hamog ng bundok.
Minsan nag-organisa sila ng isang kilos-protesta
tungkol sa pagtaas ng matrikula
at pagbawal sa mga gusgusing bendor
na magtinda sa kampus.

Inimbita nila akong magsalita,
kailangang-kailangan daw marinig
ang taginting ng aking tinig.

Kumalog ang aking tuhod
at kumaripas pauwi ang diwa;
agad kong kinapkap ang impis kong pitaka
at kumatok sa gunita
ang magugutom na anak.

Sabi ko:
babawi ako sa susunod,
di ko na matanggihan ang naunang komitment,
sayang!

Sa araw ng itinakdang pagtitipon,
naroon ang buo kong klase;
habang ako na kanilang inspirasyon,
nakasuksok sa isang sulok,
sinisilip ang mga titis ng sinilaban kong siga,

nangangaligkig sa lamig.