sana singtaas ng mandala ang mga butil

June 13, 2008

Tilyadora
ang kapiling namin ni Inang
tuwing bakasyon.

Sa tabi nito,
naglalatag kami
ng tarapal na gawa
sa pinagtagpi-tagping sako.

Habang ang mga luray na uhay
ay humahangos paimbulog,
umiindak sa hangin pababa,
at nagiging mandala;
parang pulubi kaming
nakasahod ang palad,
sinasambot ang mga mumong
tumatalsik mula sa bumubugang
tumbong ng tilyadora.

At habang gumuguhit sa aking leeg
ang alikabok at gilik,
walang patlang ang aking pag-asam:

Maging singtaas sana ng mandala
ang mga butil na pumapatak
sa aming tarapal, sa aming palad.


nambubulaga na ang mga bulalakaw

June 13, 2008

Tuwing gapasan,
sinusuyod namin ni Inang
ang mga pinitak na dinaanan
ng mga manggagapas.

Kilik ni Inang ang kanyang bakol,
nakasakbat naman sa aking baywang
ang maliit na buslong gawa sa sako.

Sinusuklay ng aming mga daliri
ang mga bumagsak na uhay
na may nakakapit pang mga butil;
mga uhay na nakaligtas
sa ngipin ng gapas; mga uhay
na sadyang iniwan ng manggagapas
para sa tulad ni Inang
na walang sariling saka.

Mga manok kaming bihasa
sa pagkahig at pagtuka
ng mga butil na humalik sa lupa.

Magsisimula kaming singnipis
pa lamang ng uhay
ang guhit ng liwanag
sa tuktok ng burol;

matatapos kaming nambubulaga na
ang mga bulalakaw.