paramdam ni Kamatayan

June 20, 2008

Nagparamdam sa akin
si Kamatayan kagabi:

isinayaw
ng hanging iniluluwa
ng electric fan
ang tinuhog
na bulaklak ng kampupot
at ilang-ilang
na isinabit ko sa kisame.

Wala na ang gilas
ng sariwang talulot;

mga daliring kulubot
ang ngayo’y nakakapit
sa taling unti-unting
nalalagot.

Iginupo ako ng antok.


malilimutan ko ang iyong pangalan

June 18, 2008
                    “ANOTHER DEATH IN DILIMAN.
                     A suicide victim spills his blood a few meters
                     from the foot of the oblation, UP’s symbol
                     of selfless sacrifice.” - Philippine Collegian, 03/3/99

Ngangatngatin ng alikabok
                                ng aking paglimot
ang iyong katauha’t pangalan;
ngunit hindi ang iyong pagsalungat
sa balud ng pagsunod sa kinagisnan. 

Nang pigtasin mo ang iyong hininga,
nabanaag ko ang aliwalas ng landas
na kasumpa-sumpa ayon sa mga pinagpala
                             ng pulpito at kombento.

Hindi kita kilala at lalong hindi ko batid
                       ang pitik ng iyong puso’t utak;
ngunit nakaangkas sa pagbukas ko ng mata
bawat umaga ang iyong kalatas:

                    may hihigit pa sa dighay at orgasmo
at iba pang aliw na lalang ng laman;
may hihigit pa sa galak at gayak ng buhay
na sadlak sa samutsaring kamatayan. 

Nang ipaghele ng sementadong hagdan
ang iyong laslas na pulso at bangas na bungo,

itinaboy mo ang maligno ng liwanag,
na nagdidiktang kadikit ng pikit na isip
ang pagsuway sa utos ng langit;

                         inawit  mo ang pulot at oyayi
ng pagyakap sa kamatayan –
upang mabuhay, upang mabuhay.