huling hibla ng hininga

June 20, 2008

Huling hagod ito ng ngarag kong palad
sa gitarang karugtong ng pawis ko’t libag.

Bawat kalabit, bawat panginginig
ng kuwerdas, ng mga daliri at tinig,
may mga alikabok na nalalaglag,
may mga alaalang naglalagalag –

gumagalugad sa mga gulod at gilid
ng kamusmusang hitik sa halas at gilik;
dumudukal sa bukal ng danas at dunong –
pamana ng bandilang pula’t kamaong kuyom.

Ay! kasama, simbilis ng sulyap ang lagablab
ng kamusmusang tila hindi mapapatid.
Ay! katuwang, singtulin ng talon ang tagaktak
ng kasibulang tila hindi masasaid.

Huling kalabit ito ng ugatin kong mga daliri
sa gasgas na kuwerdas ng aking gitara –
bayaang igaralgal ang kalbaryo ng uring
ang paglaya’y puno’t dulo nitong pagkanta.

Pagdamutan, ngarag na halad ng kaluluwa –
katapusang hibik, huling hibla ng hininga.


laslas na ang aking maong

June 20, 2008
Laslas na ang laylayan
at tuhod ng aking maong,
kalahating dangkal na
         ang nakaluwang
mga pahalang niyang hibla,

at patuloy pang nagninisnis.

May mga hiblang magkakasalikop,
   may mga hiblang lumulundo,
      may mga hiblang nag-iisa.

May mga hitik sa himulmol,
nagbabadya ng pagkalagot;
mayroon naming kipkip pa ang tikas
          ng sinulid na hindi pa gamit.

May mga hiblang
taglay pa ang pagka-asul,
        may mga hiblang
kakulay na ng lupa,
       may mga hiblang
nagbabalik  na sa bulak.

Ilang lakaran na lamang
at may mga hiblang mapapatid,
                luluwag ang laslas
        ng aking maong.

Magiging basahan. 

                          Pero kahit
may mga hibla nang bumabaklas
sa isa’t isa, 

nananatili pa itong saksi
at katuwang 

ng pagparoo’t parito
ng aking mga binti.