makamandag ang tagtuyot

June 20, 2008
                Makamandag ang tagtuyot.
Sinisipsip nito ang utak
at lakas ng ano mang may buhay 

           na kayang magpakislot ng salita.
Kapag sumagpang, hindi ito bumibitiw
hanggang hindi nalalagutan ng hininga 

ang biktima.  Minsa’y  naka-engkuwentro
                         ko ang tagtuyot, nanlilisik
ang kanyang mata, wala akong nagawa

                                  kundi ipain  ang aking leeg
                na agad niyang  sinagpang;
rumagasa ang kanyang kamandag 

                             sa aking mga ugat, umakyat
sa utak, nagdiliryo ang aking ulirat.
                  Muntik matigang ang aking lakas.

Kulog ang kanyang halakhak
                             nang inakala niyang lubusan
na niya akong nagapi.  Ngunit 

                            sa kahuli-hulihan kong sigok,
bumulwak ang mga salita,
bumangon ang mga imahen, 

                            rumagasa ang hiraya. Naumid
ang tagtuyot, nagkalasug-lasog
makikintab niyang mga pangil.

nagtutulakan tayo ngayon sa bangin

June 18, 2008
Hinaplos ng hinahon ng ating hininga
mga pasa ng puso nating saklot ng pagsuko;
isinandal natin ang ating likod sa lamyos
ng lunting burol sa ating tinig at dibdib.

Kapanatagan ang ating kandungan.

Nagbanyos tayo sa ilog ng ating mata,
nilanggasan ang naknak na mga kudlit
ng durog na bubog ng pag-aalinlangan
sa ating talampakan: sarili o sambayanan?

Pinaghilom ng taglay nating paglaum
ang ating mga sugat. Sanlaksang lakas
ang halumigmig ng ating mga yakap.

At namulaklak tayo ng bandila’t istrimer;
muling lumagaslas sa ating lalamunan
ang tinig ng himagsik; nanariwa sa ating diwa
                     ang sanghaya ng digma.

Ngunit anong kulam mayroon
ang kalam ng pagbabago?
Hiniklat ng magkaibang dalumat
ang ating mga balikat, palayo 

                     palayo sa ating halakhak.

Iisang bituin ang inaalayan natin ng tingin,
ngunit nagtutulakan tayo ngayon sa bangin;
                    nagsusuplagan sa pagtahak
sa kanya-kanyang gasgas na landas.