paramdam ni Kamatayan

June 20, 2008

Nagparamdam sa akin
si Kamatayan kagabi:

isinayaw
ng hanging iniluluwa
ng electric fan
ang tinuhog
na bulaklak ng kampupot
at ilang-ilang
na isinabit ko sa kisame.

Wala na ang gilas
ng sariwang talulot;

mga daliring kulubot
ang ngayo’y nakakapit
sa taling unti-unting
nalalagot.

Iginupo ako ng antok.


huling hibla ng hininga

June 20, 2008

Huling hagod ito ng ngarag kong palad
sa gitarang karugtong ng pawis ko’t libag.

Bawat kalabit, bawat panginginig
ng kuwerdas, ng mga daliri at tinig,
may mga alikabok na nalalaglag,
may mga alaalang naglalagalag –

gumagalugad sa mga gulod at gilid
ng kamusmusang hitik sa halas at gilik;
dumudukal sa bukal ng danas at dunong –
pamana ng bandilang pula’t kamaong kuyom.

Ay! kasama, simbilis ng sulyap ang lagablab
ng kamusmusang tila hindi mapapatid.
Ay! katuwang, singtulin ng talon ang tagaktak
ng kasibulang tila hindi masasaid.

Huling kalabit ito ng ugatin kong mga daliri
sa gasgas na kuwerdas ng aking gitara –
bayaang igaralgal ang kalbaryo ng uring
ang paglaya’y puno’t dulo nitong pagkanta.

Pagdamutan, ngarag na halad ng kaluluwa –
katapusang hibik, huling hibla ng hininga.