June 18, 2008
Hinaplos ng hinahon ng ating hininga
mga pasa ng puso nating saklot ng pagsuko;
isinandal natin ang ating likod sa lamyos
ng lunting burol sa ating tinig at dibdib.
Kapanatagan ang ating kandungan.
Nagbanyos tayo sa ilog ng ating mata,
nilanggasan ang naknak na mga kudlit
ng durog na bubog ng pag-aalinlangan
sa ating talampakan: sarili o sambayanan?
Pinaghilom ng taglay nating paglaum
ang ating mga sugat. Sanlaksang lakas
ang halumigmig ng ating mga yakap.
At namulaklak tayo ng bandila’t istrimer;
muling lumagaslas sa ating lalamunan
ang tinig ng himagsik; nanariwa sa ating diwa
ang sanghaya ng digma.
Ngunit anong kulam mayroon
ang kalam ng pagbabago?
Hiniklat ng magkaibang dalumat
ang ating mga balikat, palayo
palayo sa ating halakhak.
Iisang bituin ang inaalayan natin ng tingin,
ngunit nagtutulakan tayo ngayon sa bangin;
nagsusuplagan sa pagtahak
sa kanya-kanyang gasgas na landas.
Leave a Comment » |
siwang sa mga sulok ng sarili | Tagged: digma, gasgas, halakhak, landas, pag-aalinlangan, paglaum, pasa, puso, sambayanan |
Permalink
Posted by ferayag
June 18, 2008
Sa panahon ng digma o kapayapaan,
ikaw ang nasa aking puso.
Hindi bilang isang alaala o saksi lamang;
kundi isang buhay na katuwang
sa paglikha ng isang pag-ibig
na walang pangalan, o sinadya nating
hindi pangalanan, sapagkat mas mainam
ang malaya sa bilangguang kinagawian.
Ngunit kailangan kitang paslangin;
(sapagkat iniibig kita, at gusto kong mabuhay ka).
Kailangan kong paslangin ang lahat
ng may kaugnayan at bumubuhay sa iyo.
Papaslangin kita ngunit hindi sa pamamagitan
ng patalim, lason, baril, o anumang sandata;
papaslangin kita sa pamamagitan ng bagsik
ng pagkamuhing ipupunla ko sa iyong dibdib.
Natatangi ang pagpaslang na ito – ako,
Ako na pumapaslang ang mamamatay.
Ako na lumilimot ang lilimutin.
Aarugain ko ang muhing uusbong sa iyong dibdib,
pag-uugatin ko ito sa iyong utak, mata, bibig,
bituka, mga daliri. Hanggang mantsahan
nito ang iyong mga kamay. Hanggang
multuhin nito ang iyong konsensya.
Samantalang ako, ako na tunay na salarin
ay walang kurap na magsasabi: Wala,
wala akong kasalanan.
Leave a Comment » |
siwang sa mga sulok ng sarili | Tagged: digma, kapayapaan, kasalanan, pagpaslang, puso, salarin |
Permalink
Posted by ferayag