Sapagkat sangsang
ng pulburang kumitil
sa maligamgam na dibdib
ng iyong ina,
ang sumalubong
sa iyong pagsilang,
pagdamutan mo bunso
ang ulila kong bisig.
Bayaang aking iduyan
sa liyab ng pagluluksa
ang iyong kawalang muwang –
ang tanging balabal ko sa lamig
nitong sugatang pag-iisa.
sugatang pag-iisa
June 20, 2008paghihintay
June 18, 2008
hindi ko magawang dinggin
ang pintig
ng sariling dibdib
nakagapos ang aking pandamdam
sa bawat puwang
na puwede mong daanan
bawat siwang
bawat kaluskos
bawat aninong sumungaw
binabakuran ko ng titig at pag-asam
na sana’y ikaw na
na sana’y ikaw na
oo bawat espasyo
bawat estrangherong kaluskos
bawat aninong hindi iyo
ay dagat ng buntong-hininga
at pagkabalisang
namumugad sa aking dibdib
pagaspas ng paruparo mong labi
June 18, 2008
muli mong nilagok
ang ilog sa aking mga mata
pumikit ako
upang taimtim
na kaulayawin
ang iyong uhaw
ang aking uhaw
dahan-dahan pumagaspas
ang paruparo mong labi
dumapo sa aking noo
kilay pilik talukap ng mata ilong
pisngi baba pisngi t enga batok tenga
leeg tenga batok leeg
baba
labi
at tumigil ang lahat
ang lahat lahat
maliban sa pagparoo’t parito ng mga alon
maliban sa pagtaas at pagbaba ng mga alon
maliban sa paglukot at paglatag ng mga alon
maliban sa pagparoo’t parito
pagtaas at pagbaba
paglukot at paglatag
ng mga alon
maliban sa ritmo ng ating hininga
maliban sa indayog ng ating katawan.
may taglay pa ring init
June 18, 2008
kakulay na
ng durog na kabibe
ang aking buhok,
humulma na
sa aking mukha
ang alon ng dagat;
ngunit
may taglay pa ring init
ang perlas na iyong isinabit
sa aking dibdib.
kahit isang dakot nang buhangin
ang bilang ng mga taon,
mula noong hablutin ka sa akin
ng kalaro nating mga alon.
liyab ng Kabalyero
June 18, 2008paulit-ulit, binubuhusan ko ng tubig-yelo,
ang nagliliyab na bulaklak ng Kabalyerong
pinasibol ng Flores de Mayo sa aking dibdib;
ngunit patuloy nitong sinisilaban ang lumot
ng aking pangungulila. Sa gatong ng gunita
ng libaging rosaryo, ng marurusing na batang
nag-ugnay sa atin sa isa’t isa, lumalagablab
ang bulaklak ng Kabalyero sa aking dibdib;
umaasam sa iyong pagbalik – sa iyong pagsuway
sa buhay na selyado ng Bibliya, belo, at rosaryo.
huwag itikom ang mirasol
June 18, 2008
Muling nakatagpo
ang mirasol mong titig
ng mga matang mahilig maglunoy
sa ilog ng pagkagiliw.
Pintor ka. Ito marahil ang dahilan
kung bakit ang iyong titig
ay banayad na haplos sa hapong dibdib.
Ngunit maaari ring sadya kang nahalina
sa mga matang iyon na taglay
ang ligamgam ng bukang-liwayway.
Pinaliguan ka niya ng malamlam na liwanag.
Paano tatanggihan ng mirasol ang sinag-araw?
Mahal, kung mas nangingibabaw
sa talinghaga ng ilog at dilim
ang batubalani ng araw; huwag mag-atubili –
iwan mo ang halad kong tula,
sundan ang araw, huwag itikom
ang mirasol.
Subyang sa ilalim ng aking kuko
ang panakaw mong sulyap,
ang palihim mong pag-aninag sa lamyos
ng matang iyon na gustong maglunoy
sa hamog ng iyong titig.
Posted by ferayag
Posted by ferayag
Posted by ferayag