June 20, 2008
Nagparamdam sa akin
si Kamatayan kagabi:
isinayaw
ng hanging iniluluwa
ng electric fan
ang tinuhog
na bulaklak ng kampupot
at ilang-ilang
na isinabit ko sa kisame.
Wala na ang gilas
ng sariwang talulot;
mga daliring kulubot
ang ngayo’y nakakapit
sa taling unti-unting
nalalagot.
Iginupo ako ng antok.
Leave a Comment » |
hiraya ng hugis at tunog | Tagged: bulaklak, kamatayan, paramdam, electric fan, kampupot, kisame, ilang-ilang, emmanuel dumlao |
Permalink
Posted by ferayag
June 18, 2008
Minsan, kinawayan ako
ng ligaw na bulaklak sa bakuran
ng aming kapit-bahay.
Bugso ng pulso,
tinangka ko siyang pitasin;
tinangka kong buksan, isa-isa
ang kanyang mga talulot.
Ngunit nanaig sa akin
ang aral ng buhay: may bitbit
na gantimpala ang pagpatay
sa sarili.
Kaya nagpasya akong habambuhay
na magbigti, habang sinisilip
mula sa bintanilya ng aking puso
ang pamumukadkad ng bulaklak.
Tuwing umaga mula noon,
sa aking puntod, iwiniwisik ng hangin
ang samyo ng polen ng bulaklak
na pinagtangkaan kong pitasin.
Leave a Comment » |
siwang sa mga sulok ng sarili | Tagged: bulaklak, polen, sarili, talulot |
Permalink
Posted by ferayag
June 18, 2008
paulit-ulit, binubuhusan ko ng tubig-yelo,
ang nagliliyab na bulaklak ng Kabalyerong
pinasibol ng Flores de Mayo sa aking dibdib;
ngunit patuloy nitong sinisilaban ang lumot
ng aking pangungulila. Sa gatong ng gunita
ng libaging rosaryo, ng marurusing na batang
nag-ugnay sa atin sa isa’t isa, lumalagablab
ang bulaklak ng Kabalyero sa aking dibdib;
umaasam sa iyong pagbalik – sa iyong pagsuway
sa buhay na selyado ng Bibliya, belo, at rosaryo.
Leave a Comment » |
siwang sa mga sulok ng sarili | Tagged: bulaklak, dibdib, flores de mayo, kabalyero, lumot, rosaryo |
Permalink
Posted by ferayag
May 8, 2008
Anong babala ang gumambala sa mahimbing mong paghimlay
upang languyin ang ligalig ng lagalag kong panaginip?
Kaylalim ng dilim ng mga taon ng paglimot na nakapagitan sa atin,
kaylapot ng banlik na nakabalot sa iyong mga buto at bungo,
kaybigat ng tubig na pasan ng iyong pinid na puntod,
ano’t nagawa mong humulagpos
at ako’y dalawin?
Pumuslit ka mula sa hilik ng tulog na bulkan
na ngayo’y kubkob ng lamig ng nagsali-salikop na mga ilog;
naglambitin sa nilulumot na kalansay ng Mulawing
sa pagkalunod ay nakakapit pa rin sa kasintahang gulod –
(saan pa hahagilap ng halimbawa ng wagas na pag-ibig?)
Lumulan ka sa mga alon,
pumailanlang kapiling ng mga bula,
pagdating sa pampang, paulit-ulit mong siniil ng halik ang burol
na pinaglipatan ng mga buto at bungo ng iyong mga kadugo,
ng aking mga ninuno.
Anong dasal ang iyong inusal? Anong salamangka ang iyong tinula?
Sandangkal mula sa aking ulunan, lumagaslas sa himbing kong malay
ang gumuhong tadyang ng sementeryo – natungkab ang mga nitso,
bumukas ang mga kabaong, at bumulagta ang matandang Baleteng
tanod at parola ng mga kaluluwang naglalakbay,
punong tagapag-ingat ng mga lihim ng pugot na sepulturero.
Dumausdos ang hinihigan kong papag,
bumulusok sa kailaliman ng dam at nalagas ang aking mga ngipin at kuko,
nagkalasug-lasog ang aking mga buto, natunaw ang aking laman.
Saan ako ihahatid ng iyong lupit? Diyos ka ba o Demonyo?
Nasaan ang aking bibig? Bakit hindi mo ako marinig?
Huwag, hindi ako sasama. Bakit mo ako sinusundo?
Tingnan mo: bumabalong ang libu-libong biyoletang bulakalak
sa aking bulong!
Pero nasaan ang aking bibig?
Pangasinan: 1:46 n.u.
23 Pebrero 1988
Leave a Comment » |
bingit ng bangungot | Tagged: bulaklak, panaginip |
Permalink
Posted by ferayag