Tatlong dayuhang dahon ang dumausdos
mula sa binuklat kong aklat: kulay kalawang
na mga dahon ng cherry, sycamore, at walnut.
Sabi ng sipi sa pahinang sumipsip ng kanilang dagta:
The initial mystery that attends any journey is: how
did the traveler reach his starting point in the first place?
Kaninong mga daliri ang pumitas sa mga dahong ito?
Anong pitlag ng pulso ang nag-udyok sa kanya
upang kitlin ang taglay nilang kulay ng bahaghari?
Pinulot ko ang mga dahon at nalagas sila sa aking palad.
Agad kong kinuyom ang aking kamao upang salagin
ang hablot ng hangin; pero wala akong laban sa batubalani
ng langit: binatak nito isa-isa, dahan-dahan, ang aking mga daliri,
ibinuka tulad ng pagbukadkad ng bulaklak; talulot sa talulot,
tumingala ang aking mga daliri. Mayamaya’y umusbong
sa aking bisig ang mga munting sanga at dahon
at umawit ang isang ulilang Langay-langayan:
Llevad, llevad, oh flores !
amor a mis amores
paz a mi pais y a su fecunda tierra …
Nanuot sa aking ilong ang lansa ng katutubong dugo
mula sa nadurog na mga dahon. At bumukas ang tabing
ng isang dambuhalang palabas: St. Louis World Fair –
natulig ako sa titig ng angaw-angaw na taong bumibitil,
sumisinghot sa aking bahag. Kulay bigas ang kanilang balat
at parang ibong Kilyawan ang kanilang salitaan.
Nasaan ang bangkay ng aking kapatid?
Nangaligkig siya sa ginaw kagabi at di nakayanan ang kagat
ng lamig ng dayuhang lupain. Tumunog ang gong,
pumadyak-padyak ako habang ikinakampay ang mga kamay.
Nagkalansingan ang mga pilak sa aking harapan at ang hagikhikan
ng mga manonood na kulay bigas ang balat…
Umagos ang matang-tubig sa aking bumbunan,
nagsaboy ng luha sa nadurog na mga dahon:
bakit puso ko ang pumapasan sa mga patak?
Bakit ako ang lumuluha?
Delft: 1:37 pm
30 Setyembre 1994
Posted by ferayag
Posted by ferayag