sana singtaas ng mandala ang mga butil

June 13, 2008

Tilyadora
ang kapiling namin ni Inang
tuwing bakasyon.

Sa tabi nito,
naglalatag kami
ng tarapal na gawa
sa pinagtagpi-tagping sako.

Habang ang mga luray na uhay
ay humahangos paimbulog,
umiindak sa hangin pababa,
at nagiging mandala;
parang pulubi kaming
nakasahod ang palad,
sinasambot ang mga mumong
tumatalsik mula sa bumubugang
tumbong ng tilyadora.

At habang gumuguhit sa aking leeg
ang alikabok at gilik,
walang patlang ang aking pag-asam:

Maging singtaas sana ng mandala
ang mga butil na pumapatak
sa aming tarapal, sa aming palad.


nambubulaga na ang mga bulalakaw

June 13, 2008

Tuwing gapasan,
sinusuyod namin ni Inang
ang mga pinitak na dinaanan
ng mga manggagapas.

Kilik ni Inang ang kanyang bakol,
nakasakbat naman sa aking baywang
ang maliit na buslong gawa sa sako.

Sinusuklay ng aming mga daliri
ang mga bumagsak na uhay
na may nakakapit pang mga butil;
mga uhay na nakaligtas
sa ngipin ng gapas; mga uhay
na sadyang iniwan ng manggagapas
para sa tulad ni Inang
na walang sariling saka.

Mga manok kaming bihasa
sa pagkahig at pagtuka
ng mga butil na humalik sa lupa.

Magsisimula kaming singnipis
pa lamang ng uhay
ang guhit ng liwanag
sa tuktok ng burol;

matatapos kaming nambubulaga na
ang mga bulalakaw.


kulubot na kamay ni Inang

May 17, 2008

Mauna na kayo busog pa ako,
sabi ni Inang habang nakapamintana
at nakatanaw sa malayo.

Nag-unahan ang patpat
naming mga daliri sa pagkurot
sa tuyo at tutong na magpapakalma
sa aming tiyan sa buong magdamag.

Habang iniimis ni Inang ang dulang,

Sa sulok ng aking mata,
naaninag ko
ang kulubot niyang kamay,
parang manok na tumutuka
sa mga butil na nalaglag
mula sa aming mga daliri at bibig.

Sinakal ako ng tanawing iyon –

patagong isinusubo ni Inang
ang mga mumong nakapuslit
sa bagsik ng aming gutom.


santambak

May 17, 2008

(kay azul)

Linggo ng umaga,
binuklat ng boses mo ang aking mga mata,
hinaplos ng iyong ngiti
ang balikat kong halos malinsad
sa bigat
ng trabaho’t alalahanin.

At hiniling kong tumigil
ang oras,
nang makapiling ko pa
ang musmos na tuwa
sa iyong mga pilik,
at ang awit
sa matabil mong dila.

Katabilang kahapon ay pinangatal
at pinasigok ng galit
na sumirit
mula sa aking mata,
bibig at kamaong madalas
na hindi makakilala
ng paglalambing sa iyong kakulitan.

Kung masisilo ko lamang ang araw
at maiaangat ito nang mas matagal pa –

gusto ko pang makipaglaro
at mang-asar
at mag-sori

at matulog na yakap ka;

pero dama ko na ang pagaspas
ng takipsilim, isinisipol na ng hangin
ang pahimakas ng liwanag.

Sinusundo ng ako sa dilim.


parang kinukuyumos na papel

May 17, 2008

bawat tunog
bawat kaluskos

ay bateryang nagpapatakbo
sa aking bunso
papunta sa pinto

sa pagbabakasakaling iyon na
ang kaniyang ina

madaling-araw
na rin siyang natulog kagabi
nakipagbuno sa antok
sa paghihintay

sa pangako
kong beybleyd

na hindi ko pa rin
nabibili hangga ngayon

parang kinukuyumos
na papel
ang aking loob

habang minamasdan siyang
pilit na ibinubuka

ang mata
at kinakaladkad ang paa
papunta sa pintong
kinakalmot

ng gutom
at nangungulilang pusa


paninimbang

May 17, 2008

(kay luntian)

Mula sa madalas
na pagkabyos
ng iyong paa sa pedal,
paggewang ng puwit sa upuan,
at pangangatal ng kamay
sa handle bar;

mula sa mga galos at bukol
na balato ng madalas na pagsemplang;

dahan-dahan mong natutuhan
ang paninimbang
na singgaan
ng balahibo ng ibon,

ang pagpadyak na singtiyak
ng pagsudsod ng araro sa putik.

Natutuhan mong palayain
ang iyong mata
mula sa pagkapako sa ikot ng gulong,
tungo sa paggalugad sa lawak
ng kalsada.

Maglaho-lumitaw ka sa aking paningin –
lulunukin ka ng balumbon ng mga dahon,
at muli ka nilang iluluwa.
Iwan-datnan mo akong nagmamasid
sa mga talulot ng bulaklak
na isinasaboy
ng iyong halakhak.

Habang tumatahip
sa tuwa’t kaba
ang aking dibdib.


atungal ng elepante

May 17, 2008

Parang atungal ng elepante di ba ‘tay?
tanong ng aking anak, isang hapong
nakakalumbaba niyang pinanonood

sa bintana ng inuupahan naming kuwarto,
ang abuhing posteng-usok na iniluluwa
ng isang di-kalayuang pabrika ng plastik.

Tanong itong dumamba sa sinapupunan
ng aking utak na agad namang nagluwal
ng panibagong palaisipan: wala na bang

katuparan ang paulit-ulit na mga pangako
ng pag-unlad? Edukador ako ng karapatang
pantao; gusto kong damhin sa mga mata

ng aking anak ang liyab ng binibigkas kong
mga talumpati tungkol sa bagong kaayusang
kikilala sa pagkatao ng bawat tao. Gusto kong

apuhapin sa kanyang kawalang-muwang
ang timyas ng huklubang pangako: daigdig
na malaya sa pangamba at pangangailangan.

Samantala, batid kong sa malao’t madali’y
makakasalamuha na rin niya ang pagdarahop
na nasasalag pa ng kayod-makinang trabaho

namin ng kanyang ina; madarama na rin niya
ang mga impit na sigok na nagkukubli sa likod
ng aming mga ngiti. Makakadaupang-palad

na rin niya ang dapithapon ng pribelihiyo
ng kaniyang kamusmusan, at pakikipagpiko
sa mga elepante ng kaniyang imahinasyon.


awa ng kapitbahay

May 17, 2008

Wala kaming bigas noon,
wala ni asin;

Pero hinugasan pa rin ni Inang
ang malinis na naming kaldero.

Napansin kong mas madiin
ang tila walang direksyong
pagkaskas niya ng abo
sa paligid nito –

nakatutulig ang taginting
na nagtatagisang takip
at bunganga ng kalderong
sinadya yata niyang pag-umpugin.

Mayamaya’y inutusan ako ni inang
na humingi ng kapirasong dupungan
sa di niya kakibuang kapitbahay.
(Gayong meron naman kaming posporo.)

Wala kaming bigas noon, wala ni asin
pero nagparingas pa rin ng kalan si Inang.

Dati sa isang ihip lamang niya,
maririnig ko na ang hagikhik ng apoy;
pero noong araw na iyon
wala akong nasilip ni katiting na baga,
kahit sinusuob na ng usok
ang bawat sulok ng aming kubo.
(at bakit nga ba sariwang daho’t sanga
ng madre cacao ang ipinanggatong niya?).

Saka ko na lamang malalaman
kung bakit ginawa iyon ni inang –

upang salagin ang sagpang
ng mas mabagsik pa kaysa gutom
na awa ng aming kapitbahay.