ulilang dahon
September 30, 2008walang kasinglamig ang simoy ng pangungulila
June 18, 2008
Habang minamasdan ko,
mula sa bintana ng aking klasrum
ang mala-sundalong tindig
ng bundok Makiling, idinampi
sa aking dibdib ng mamasa-masang hangin
ang mga alaala ng Sierra Madre:
magkadaop ang ating mga palad,
inaalalayan mo ako sa pag-akyat
sa matarik na burol –
nakakahiya, babae ang umaakay,
pero ano ang aking magagawa?
Tanging paninindigan at lakas ng loob
ang aking bitbit noon;
buhol-buhol ang aking hininga
sa paghagilap ng matatapakan,
hindi magkamayaw ang likaw
ng mga baging at damong-gubat,
mabuti na lamang at naroon
ang iyong mga kuwento at awit;
a, kayligamgam ng iyong hininga
at haplos – masuyong tapik sa panahong
halos igupo ng bigat ng bakpak at armalayt
ang aking balikat.
Marahan kong isinara ang bintana: walang
kasinglamig ang simoy ng pangungulila.
walang hanggan ang iyong yumi
June 18, 2008
Titig mo’y kutitap ng bituin
at dilim ng uling;
Tinig mo’y himig ng hamog
at linggal ng kulog;
Hininga mo’y pinipig ng Disyembre
at singasing ng asupre;
Haplos mo’y kinis ng baldosa
at garalgal ng graba.
Sanlaksa ang iyong kahulugan:
ulan, lindol, kidlat, kulog,
ligaya, ligalig, laya, libog –
Iisa ang iyong kahulugan:
Isa kang tunggalian.
paghihintay
June 18, 2008
hindi ko magawang dinggin
ang pintig
ng sariling dibdib
nakagapos ang aking pandamdam
sa bawat puwang
na puwede mong daanan
bawat siwang
bawat kaluskos
bawat aninong sumungaw
binabakuran ko ng titig at pag-asam
na sana’y ikaw na
na sana’y ikaw na
oo bawat espasyo
bawat estrangherong kaluskos
bawat aninong hindi iyo
ay dagat ng buntong-hininga
at pagkabalisang
namumugad sa aking dibdib
nagtutulakan tayo ngayon sa bangin
June 18, 2008Hinaplos ng hinahon ng ating hininga
mga pasa ng puso nating saklot ng pagsuko;
isinandal natin ang ating likod sa lamyos
ng lunting burol sa ating tinig at dibdib.
Kapanatagan ang ating kandungan.
Nagbanyos tayo sa ilog ng ating mata,
nilanggasan ang naknak na mga kudlit
ng durog na bubog ng pag-aalinlangan
sa ating talampakan: sarili o sambayanan?
Pinaghilom ng taglay nating paglaum
ang ating mga sugat. Sanlaksang lakas
ang halumigmig ng ating mga yakap.
At namulaklak tayo ng bandila’t istrimer;
muling lumagaslas sa ating lalamunan
ang tinig ng himagsik; nanariwa sa ating diwa
ang sanghaya ng digma.
Ngunit anong kulam mayroon
ang kalam ng pagbabago?
Hiniklat ng magkaibang dalumat
ang ating mga balikat, palayo
palayo sa ating halakhak.
Iisang bituin ang inaalayan natin ng tingin,
ngunit nagtutulakan tayo ngayon sa bangin;
nagsusuplagan sa pagtahak
sa kanya-kanyang gasgas na landas.
pagaspas ng paruparo mong labi
June 18, 2008
muli mong nilagok
ang ilog sa aking mga mata
pumikit ako
upang taimtim
na kaulayawin
ang iyong uhaw
ang aking uhaw
dahan-dahan pumagaspas
ang paruparo mong labi
dumapo sa aking noo
kilay pilik talukap ng mata ilong
pisngi baba pisngi t enga batok tenga
leeg tenga batok leeg
baba
labi
at tumigil ang lahat
ang lahat lahat
maliban sa pagparoo’t parito ng mga alon
maliban sa pagtaas at pagbaba ng mga alon
maliban sa paglukot at paglatag ng mga alon
maliban sa pagparoo’t parito
pagtaas at pagbaba
paglukot at paglatag
ng mga alon
maliban sa ritmo ng ating hininga
maliban sa indayog ng ating katawan.
may tamis sa kamatayan
June 18, 2008
Minsan, kinawayan ako
ng ligaw na bulaklak sa bakuran
ng aming kapit-bahay.
Bugso ng pulso,
tinangka ko siyang pitasin;
tinangka kong buksan, isa-isa
ang kanyang mga talulot.
Ngunit nanaig sa akin
ang aral ng buhay: may bitbit
na gantimpala ang pagpatay
sa sarili.
Kaya nagpasya akong habambuhay
na magbigti, habang sinisilip
mula sa bintanilya ng aking puso
ang pamumukadkad ng bulaklak.
Tuwing umaga mula noon,
sa aking puntod, iwiniwisik ng hangin
ang samyo ng polen ng bulaklak
na pinagtangkaan kong pitasin.
may taglay pa ring init
June 18, 2008
kakulay na
ng durog na kabibe
ang aking buhok,
humulma na
sa aking mukha
ang alon ng dagat;
ngunit
may taglay pa ring init
ang perlas na iyong isinabit
sa aking dibdib.
kahit isang dakot nang buhangin
ang bilang ng mga taon,
mula noong hablutin ka sa akin
ng kalaro nating mga alon.
malilimutan ko ang iyong pangalan
June 18, 2008
“ANOTHER DEATH IN DILIMAN.
A suicide victim spills his blood a few meters
from the foot of the oblation, UP’s symbol
of selfless sacrifice.” - Philippine Collegian, 03/3/99
Ngangatngatin ng alikabok
ng aking paglimot
ang iyong katauha’t pangalan;
ngunit hindi ang iyong pagsalungat
sa balud ng pagsunod sa kinagisnan.
Nang pigtasin mo ang iyong hininga,
nabanaag ko ang aliwalas ng landas
na kasumpa-sumpa ayon sa mga pinagpala
ng pulpito at kombento.
Hindi kita kilala at lalong hindi ko batid
ang pitik ng iyong puso’t utak;
ngunit nakaangkas sa pagbukas ko ng mata
bawat umaga ang iyong kalatas:
may hihigit pa sa dighay at orgasmo
at iba pang aliw na lalang ng laman;
may hihigit pa sa galak at gayak ng buhay
na sadlak sa samutsaring kamatayan.
Nang ipaghele ng sementadong hagdan
ang iyong laslas na pulso at bangas na bungo,
itinaboy mo ang maligno ng liwanag,
na nagdidiktang kadikit ng pikit na isip
ang pagsuway sa utos ng langit;
inawit mo ang pulot at oyayi
ng pagyakap sa kamatayan –
upang mabuhay, upang mabuhay.
liyab ng Kabalyero
June 18, 2008paulit-ulit, binubuhusan ko ng tubig-yelo,
ang nagliliyab na bulaklak ng Kabalyerong
pinasibol ng Flores de Mayo sa aking dibdib;
ngunit patuloy nitong sinisilaban ang lumot
ng aking pangungulila. Sa gatong ng gunita
ng libaging rosaryo, ng marurusing na batang
nag-ugnay sa atin sa isa’t isa, lumalagablab
ang bulaklak ng Kabalyero sa aking dibdib;
umaasam sa iyong pagbalik – sa iyong pagsuway
sa buhay na selyado ng Bibliya, belo, at rosaryo.

Posted by ferayag
Posted by ferayag
Posted by ferayag