June 13, 2008
(sa mga kabataan ng Pantabangan)
Nilamon na ng mga alon ang malawak na kaparangan –
ang larangan na nagpatibay sa ating mga murang tuhod,
napugnaw na ang mga hamog na yumayakap sa damuhang
sa ating mga talampaka’y kumikiliti, pumupupog.
Malamig na at nilulumot ang naulilang mga patpat
na ipinangtutugis natin sa mga tutubi’t tipaklong,
wala nang bagting ng sapot na sa kadawaga’y nagsalabat –
krokis na tagapagturo sa mga gagambang nagkakanlong.
Nagsitakas na sa pandinig matitinis na hagikhikang
kalaro ng tulirong isip at kasiping ng pagal na dibdib,
wala nang makikipagsayaw sa tanglaw ng bitui’t buwan
wala na, wala nang iindak sa tugtog ng mga kuliglig.
Ay! sa paglabusaw na ito sa halumigmig ng pangarap
may umaga kayang sa saplok ng alon ay magbabalikwas?
Leave a Comment » |
pagtugis sa mga tipaklong | Tagged: kabataan, Pantabangan |
Permalink
Posted by ferayag
May 4, 2008
Isang umaga
nangabute kami ni Manong
sa bangkagan.
“Magdala ka ng patpat,”
mahigpit niyang tagubilin.
Habang naglalakad,
hampasin ko raw ang magkabilang panig
ng dadaanan naming damuhan
para matakot ang mga ahas.
Pero kung mayroon kaming masabat
pumrente lamang daw ako at huwag magulat
at tiyak na ahas ang masisindak.
Pagdating sa kulumpon ng kawayan,
inginuso ko sa kaniya ang isang tudtud –
gabulateng ahas, pakendeng-kendeng
na gumagapang sa silong ng Pukinggang .
Dagli akong tumigil at nag-ala tuod.
Nang lingunin ko si Manong
singlaki na lamang siya ng kabute,
kumakaripas sa halip na pumrente.
Leave a Comment » |
pagtugis sa mga tipaklong |
Permalink
Posted by ferayag
May 4, 2008
(kay ‘Tang alyong, bayani ng Pantabangan)
Dinidilaan na ng alon
ang balkon ng iyong bahay;
ngunit haliging bato kang hindi natigatig,
nakatunghay sa tubig na sumasakmal
sa bukiring umaruga sa iyong araro’t tirador.
Tila litrato ng yumaong kabiyak,
hinaplos ng iyong mga mata
ang bawat burol, bawat bubong,
bawat sanga na hindi pa nilalamon
ng dam. Ay! sinong nakaunawa
sa luhang namaybay
sa kulay lupa mong pisngi?
“Nababaliw na ang matanda,”
Paismid na wika
ng mga kababayan mong ang tinig
ng pag-aklas agad pinaos ng pilak.
Para sa kanila, singsalimuot
ng nilalala mong bilao at buslo
ang pagtanggi mong lisanin
ang bayang iyong sinilangan,
sukdulang ikapigtas
ng nagninisnis nang hibla
ng iyong hininga.
Walang tambol ang iyong pagtutol
ngunit yumanig sa aking dibdib
ang alingawngaw ng iyong tinig.
Mandirigma kang hindi nasindak
kahit sumuko na ang iyong pinuno,
kahit nabihag na ang iyong mga kasama.
Kahit anag-ag na lamang ng dapit-hapon
ang nalalabi mong tanglaw.
Leave a Comment » |
pagtugis sa mga tipaklong |
Permalink
Posted by ferayag
May 4, 2008
Sa bawat pagbabalik,
pinapagpag ko ang alikabok
binabakbak ko ang putik,
ginagadgad sa nakabaligatad
na mga tansang pinagdikit-dikit
ang pagal kong sapatos.
At sasalampak ako
sa kawayang sahig
ng aming balkon.
Oo, sa panahon ng pagkabalisa,
ng pagkabagot, ng pangungulila,
may pamawing-hapdi ang pag-uwi;
may pamukaw-galak ang pagbabalik.
Kahit limot na ng lumot at mga alon
ang aking bayan, ang aking tahanan.
Kahit tatlumpong taon nang nakalibing
sa luha at tubig-dam ang Pantabangan.
Leave a Comment » |
pagtugis sa mga tipaklong |
Permalink
Posted by ferayag
May 4, 2008
Hindi lamang namin binago
ang paglalaro ng Kick the can ni Hey Jo,
iniba rin namin ang pangalan nito.
Binansagan namin itong Purikit-dikin,
walang kawawaang pagtatagni ng tunog
ngunit isang daigdig ng tiyak na tuntunin.
Sa larong ito, hindi lamang itinutumba ang lata;
puwede itong dagitin at pagulungin
sa imburnal o kaya’y itapon sa bituin.
At sino mang nanganganib na mataya
ay puwedeng mag-teka muna –
Sisigaw lamang siya ng Purikit;
malaya na siya at hindi madadakip.
Kaya simbilis man ng kisap ang taya,
hindi pa rin siya makawala,
sa buhol-buhol na hagikhik, hingal at kaluskos
ng mga aninong laging handang dumalugot
sa latang kaniyang kinukubkob,
habang sinasalisihan siya
ng mapanudyong mga alulong –
Hoy! bantay-lata, balagoong
bilanggo, nuno sa punso.
Tuwing gabing mababa ang buwan,
mga kabo-kabo kaming lumalangoy sa alikabok
o mga bulalakaw na sumisirit sa langit
para sa latang kailangang bantayan o itimbuwang.
Purikit-dikin
kaydaling tahiin ng tunog at tuntunin;
Purikit-dikin
kayhirap salagin ng sulasok at talim,
sugat at gasgas na balato ng imburnal
at paggalugad sa dilim.
Leave a Comment » |
pagtugis sa mga tipaklong |
Permalink
Posted by ferayag
May 4, 2008
Tuwing hapon
pagkagaling ko sa eskwela
lumulusong kami ni Ingkong sa Nabao
para mamulot ng kuhol.
Hindi maglilipat-minuto
at mapupuno ang dala naming bakol.
Matapos ibukod ni Ingkong
ang pang-ulam namin sa hapunan,
aataduhin niya sa mga platong lusa
ang mga kuhol; buong ingat na aayusin
sa bilaong magmimistulang pumpon
ng itim na kampupot,
bilaong susunungin ko’t ilibot
sa buong bayan.
Isang hapon,
habang pumapalakat ako nang pakanta,
pinapanpanan ko ng aking mga siko
ang aking mukha
upang salagin ang mga sibat
ng ngisi’t titig
ng aking mga kaeskwela.
Kung puwede lamang maging singtahimik
ng kuhol.
Pero kailangan kong sumigaw:
“Kuhoooool, kuhol kayo diyaaaan”
Kaya malayo pa ako, alam na nila
kung saan ako tatambangan.
At muli, sinundan ako ng walang katapusang
tawanan at alingawngaw:
“KUHOOOL, KUHOOOL, KUHOOOOL”!
Ganito pa rin ang nangyari
kahit nangako silang hindi na nila ako tutuksuhin
matapos ko silang pakopyahin
ng ispeling ng facade at Mississippi.
Leave a Comment » |
pagtugis sa mga tipaklong |
Permalink
Posted by ferayag
May 4, 2008
Isang dambuhalang dahumpalay –
lumilingkis sa burol, bukid at gubat
na kumalong sa ating mga pangarap
at katawang gusgusi’t sugatan.
Kaliskis ang mga munting along
yumasa sa hitik-sa-hamog na lambat
ng mga sapot-gagambang nakalatag
sa parang ng ating mga sipol.
Ngunit patuloy na umaangil
sa ating mga mata, dibdib at utak
angaw na saranggolang nagpapasulak
ng daluyong sa dam na kumitil
Sa ating paglula’t paninimbang
sa timbulan ng kawalang-muwang.
Leave a Comment » |
pagtugis sa mga tipaklong |
Permalink
Posted by ferayag
May 4, 2008
Pumapalakpak ang damo
sa ating pagpapatintero.
Tumatahip ang ating dibdib
sa abot-langit nating hagikhik.
Sa paglapat ng ating likod
sa kandungan ng lunting gulod,
Ginagawa nating kambas
langit na maaliwalas.
Pinaglalayag natin ang libong bapor,
pinabubuka natin ang mga Mirasol
Sa hagod ng ating brotsang mata
na isinawsaw sa ulap na pintura.
Leave a Comment » |
pagtugis sa mga tipaklong |
Permalink
Posted by ferayag
May 4, 2008
Binubudburan namin ng abo
ang kalsada upang iguhit
ang hanggahan ng mga kampo
at ang larangan ng aming gera.
Sino mang mataga ng palad
sa labanang ito ay magiging bihag;
pero hindi puwedeng tagain
ang kawal na nakakapit sa bakod
na himpilan ng kanyang pangkat.
Tuko akong bantay-bakod,
minsan-minsang nangangahas
na lumapit sa guhit
ngunit iglap ding babalik.
Ikakatuwirang babantayan ko na lamang
ang mga bihag na kaagad namang napapalaya
ng mga kalaban – ipinanganak yatang
may imbisibol na pakpak!
Madalas akong mataga at mabihag
at natatapos ang gerang hindi ako naililigtas –
tuwing tatangkain akong isalba ng katropa
hindi kami makalusot kahit sa lampang tanod –
Tuko akong gutay ang tuhod.
Leave a Comment » |
pagtugis sa mga tipaklong |
Permalink
Posted by ferayag
May 4, 2008
Nang himasin ng hari ng row por
na si Anton ang kanyang tainga,
agad ikinaluskos ng mga lalaki sa klase
ang pagbubulakbol.
Isa-isa naming iniwan
ang mga des na nanggigitata sa pawis –
habang may gumagapang patakas,
nagkakandabulol naman ang iba
sa pagma-mam me ay gu awt.
Parang mga kabayo kaming lumikwad
sa kabila ng naaagnas na pader ng iskul.
Nagkarera kami sa paghuhubo’t hubad
at paglabusaw sa mga sanga at ulap
na sapo ng naghihintay na ilog.
Hindi namin alintana ang bukas,
kahit alam naming muling lalapnusin
ng tila papel de-lihang daliri ni mam
ang mga tainga naming burdado ng banil.
Leave a Comment » |
pagtugis sa mga tipaklong |
Permalink
Posted by ferayag