hindi ako diyos o isang propeta gaya ng iyong akala; hindi rin henyo o piniling pinagpala. katulad lamang ako ng ordinaryo mong kaaway o kakampi -- kumakalam ang sikmura, natatakot, napopoot, nagnanasa; at may batik din sa utak. itong hinahangaan mong talino? kung alam mo lamang ang sinulingan bago ko ito natamo. nagmula rin ako sa putik, at tulad mo, sumasagap ang aking talampakan at bumbunan ng init at lamig ng ating daigdig. dalaga sa aking harap, nagagalak ako sa pakikinig mong walang kurap sa lagaslas ng talinghaga mula sa aking bibig; at salamat sa pagbukas ng iyong puso at isip. pero itanim sa isip: hindi ako isang propeta o diyos; at kahit bawat hakbang ko’y pasan na ng tungkod, rumaragasa pa rin sa aking mga ugat ang sidhi ng nasang sumisid sa langit. kaya dalaga sa aking harap, pakiusap: isinop ang iyong dibdib ipinid ang mga tuhod.
PAKIUSAP
May 31, 2009kayraming patibong
June 16, 2008Kumikislap at nag-aamoy pulbura
bawat bagay na matagisan
ng kanyang tinig,
walang gatol kung siya’y mangaral
tungkol sa tunggalian ng mga uri sa lipunan.
At, oo, hindi siya aktibistang kapit-bangko
na walang inatupag kundi ang ngumawa;
bawat masagap niyang inhustisya’t tiwali
maagap na kilos ang kanyang sukli.
Ni minsan hindi siya lumiban sa rali,
sa loob at labas man ng kampus;
maka-tres, maka-singko, walang kaso;
malinaw ang kanyang prinsipyo:
iskolar ng bayan, laan ang buhay sa sambayanan.
Ay! kaytalas ng kanyang utak at bibig,
nahihimay ang salimuot ng suliraning pandaigdig,
kahit ako na kanyang guro, talagang yumuyuko
sa kanyang galing at tapang at komitment.
Pero tama siya,
kaydaming patibong ng imperyalismo,
kayhusay nitong dumiskarte,
kaygaling magbalat-kayo;
siya, na sukdol-langit ang galit sa kapital
nasa call center ngayon, mumurahing kalakal.
sa memory ng bat cave
June 16, 2008maulan ngayong first day ng sembreak
nakakapit sa curtain ng window
ang lamig ng forest.
naka-embrace ako sa aking knees,
pini-peep ang moss sa branch ng acacia
na naka-canopy sa aming apartment,
parang hair yong moss pero di nagmu-move,
di nagsu-sway sa dance ng leaves.
di tulad ng ating hair
na nagi-scatter sa bawat corner ng classroom
pag nabo-blow ng air mula sa electric fan
na puno ng rust at dust at cobweb.
ayaw mag-stop ng ulan
ngayong first day ng sembreak,
ina-attack ako ng memories
ng inyong poems at stories,
ng inyong smiles at pangungulit.
(sus! kahirap i-parry ng sama ng loob
na sini-send ng nagka-curve nyong eyebrows
everytime na iri-return kong red na red
ang inyong mga writing assignment.)
at yes, right now napi-prick ang aking conscience
(parang wound sa armpit na naka-soak sa sweat)
ng pag-condemn nyo sa pagdukot, sa pag-salvage
sa mga tibak na nagdi-defend ng ating rights.
true, sing-silent ng moss ang inyong pagdating
pero sing-sure din ng pag-stick nito sa branch
ang pag-capture nyo sa aking pagi-imagine –
so, kahit maulan ang first day ng sembreak
no space ang senti, no space ang sad moment.
sinisilip ko ang mga titis
June 13, 2008Walang pasubali,
hindi magkakaila ang kanilang mga mata,
lumatay sa kanilang utak
ang aking mga hagupit.
Sa simula ng klase
iwinasiwas ko ang lipunang tatsulok,
ang imahe ng sanlaksang himutok
ng masang anakpawis,
at ang langit ng uring nasa tuktok.
Isang tula ang simula,
isang tula tungkol sa pagkatuyo ng luha
ang naghatid sa amin sa iba’t ibang daigdig –
bukid at pabrika,
malakanyang at konggreso,
simbahan at paaralan at masmidya,
kulungan at korte,
barberya at karinderya at mall,
ospital at punerarya,
kuna at kamposanto.
Ginalugad namin
ang iba’t ibang larangan ng tunggalian,
pinagpag sa aming mga talampakan
ang putik at alikabok,
pinalis ang mga agiw at sapot sa utak,
pinahid ang aming mga muta at luha.
Ramdam ko rindido sila,
dinig ko ang pintig ng kanilang dibdib: ti-gib
ti-gib, ti-gib, ti-gib — tigib ng poot at paglilingkod,
halos paampon sa hamog ng bundok.
Minsan nag-organisa sila ng isang kilos-protesta
tungkol sa pagtaas ng matrikula
at pagbawal sa mga gusgusing bendor
na magtinda sa kampus.
Inimbita nila akong magsalita,
kailangang-kailangan daw marinig
ang taginting ng aking tinig.
Kumalog ang aking tuhod
at kumaripas pauwi ang diwa;
agad kong kinapkap ang impis kong pitaka
at kumatok sa gunita
ang magugutom na anak.
Sabi ko:
babawi ako sa susunod,
di ko na matanggihan ang naunang komitment,
sayang!
Sa araw ng itinakdang pagtitipon,
naroon ang buo kong klase;
habang ako na kanilang inspirasyon,
nakasuksok sa isang sulok,
sinisilip ang mga titis ng sinilaban kong siga,
nangangaligkig sa lamig.
ratsada ni ser
May 4, 2008noong panahon namin,
ratsada ng naka-antiparang profesor
na naglalagas na ang balbas.
wala kaming pinalalampas,
binabasa namin lahat,
ultimong pinagbalutan ng tinapa.
ngayon daw, sabi ng profesor,
dahil sa celfon, internet, at tv
tamad nang magbasa ang mga estudyante.
At ipinagdidikdikan niya ang kanyang mantra:
ang panitikan bilang salamin ng buhay,
ang pagbabasa bilang bagwis ng pagtuklas.
Ser,
pasok ng isang bibong estudyante,
nabasa nyo na po ba yung Angels and Demons?
negative.
e ‘yung ano po, yung Matilda ni Roald Dahl?
Negative.
e yung pong ABNKKBSNPLA AKO ni Bob Ong?
NEGATIVE.
nagsalubong ang kilay ng prof:
hirap sa inyo, kung ano-anong binabasa nyo!
class dismiss
May 4, 2008sermon ng prof:
tanggap sa aking klase ang lahat ng opinyon pagkat ang edukasyon ay isang dayalog isang proseso ng palitan ng kaalaman at kasanayan sa pagitan ng titser at estudyante kaya walang puwang sa klase ang pagsasawalang-kibo at may karapatan ang lahat na mag-usisa at sumalungat sa ganyan lamang makakamit ang hinahangad nating karunungan at isa pa ito ang esensya ng demokrasya.kung saan malaya ang bawat –
habang ang mga estudyante,
alumpihit ang mga puwet
pinupulikat ang mga hita
umuugong ang mga tainga
nanunutong ang mga laway
at bugok na ang mga tanong.
kumalembang ang kampana
at natapos ang isang siglong misa:
class dismiss.
meron bang tanong?
May 4, 2008malayang magpahayag
o kumontra ang bawat isa —
ser,
sabat ng isang estudyante,
parang gatong na sinilaban
sa sinabi ng guro,
di po ako sang-ayon na may kinalaman
sa transformasyon ng lipunan
ang panitikan.
tila bulateng lumikaw-likaw
ang kilay ni prof,
opinyon mo lang ‘yan –
sabi niya. Tumuro sa langit
ang kanyang hintuturo,
parang paring nagsesermon sa katedral:
pero ang iyo hindi totoo sa lahat,
at kung ganon, bakit mo ipapataw
sa kabuuan
ang gakulangot mong karunungan?
Habang naghahasik ng laway,
lumakad-lakad si prof;
at dumagundong ang halakhak ng takong
ng sapatos niyang katad.
dapat nakasandig sa ebidensya
ang iyong asersyon;
kung hindi, para ka lamang lata,
kumakalangkang dahil walang laman.
ngumiti si prof, labas ang gilagid,
pero ang mga mata, nagliliyab:
meron bang tanong?
meron bang dagdag?
puwede pong pakiulit?
May 4, 2008tumango siya nang ilahad ng guro
ang layunin ng aralin, umiling
nang usisain ang lipunang patriyarkal.
nanlaki ang mata nang marinig
na sa ibang panig ng daigdig,
ang babae
tinatahi ang pekpek,
tinatanggal ang tinggil.
kumunot ang noo nang sabihin ng kaklase
na bihag ng lalake
ang katawan at tinig ng babae
at matamang nakinig,
napamulagat, napapikit
habang rumaragasa sa bibig ng guro
ang mga bersikulo sa bibliya,
ang mga talatang nagbibigay-katuwiran
sa pamamayagpag ng kalalakihan.
nahikayat naman ang guro
sa napansing reaksyon ng mag-aaral
kaya tinawag:
meron ka bang tanong,
o gustong ibahagi o gustong linawin?
parang bagong gising na naamlimpungatan,
kinuskos ng estudyante ang kanyang mga mata,
a, e, ako po ba ser? ano pong sabi nyo?
pasensya na po, puwede po bang pakiulit?
ser, dobol espeys po ba?
May 4, 2008ikatlong linggo nang inuulit-ulit
ng guro ang mga alituntunin
sa pagpapasa ng papel:
isa hanggang tatlong pahina,
1.5 o doble-espasyo,
TNR ang type at 12 ang size ng font,
at please, lagyan ng 1 inch margin
sa kaliwa, sa kanan,
sa taas, at sa ibaba ng pahina.
magtatapos na ang semestre
at hitik pa rin sa ganoong instraksyon.
ang bawat miting ng klase
isang linggo bago ipasa
ang huling sulatin:
meron bang gustong linawin?
tumikhim ang isang estudyante,
nagtaas ng kamay; sumilay ang ngiti
sa mata ng profesor, yes?
prof, dobol espeys ba yung faynal peyper?
di gawang biro ang magturo
May 4, 2008binulatlat ng isang studyante sa klase
ang tulang “May bagyo ma’t may rilim”
gamit ang sabi niyang teorya ni marx.
napanganga ang mga kaeskuwela sa pagtataka,
may ganon palang hayop sa ating planeta;
may mga nagsampa naman ng paa sa bangko,
(may linta bang sisipsip ng dugo
sa makikinis nilang sakong at binti?)
meron ding napangiwi,
mga tenga’y nagsitiklop; ang isa nga,
nalukot ang mukha sa pagkakapikit,
kumibot-kibot ang labi, taimtim na hinagod
ng kanyang hinlalakeng may pulang talulot
ang kumikintab na singsing-rosaryong pilak.
samantala sa likod,
tila bumabalasa ng baraha
ang mga daliring dumadalirot
sa nutnot na math ni Leithold.
isang estudyanteng tila lente ang antipara
ang bumulabog sa aking pagmamasid —
ser
opium talaga ang relihiyon,
pero di magtatagal,
pag nagwagi ang uring api
laban sa burgesya-komprador
at higanteng kapitalista
at imperyalistang Estados Unidos,
mawawala na rin ang mga pamahiin.
bigla akong napaliyad,
may kung anong sumundot
sa aking kuyukot;
di ko tuloy napigilan ang pagsirit
ng basang init
mula sa aking yumuyugyog na pantog.
hindi ako diyos o isang propeta
gaya ng iyong akala; hindi rin henyo
o piniling pinagpala.
katulad lamang ako
ng ordinaryo mong kaaway o kakampi --
kumakalam ang sikmura,
natatakot, napopoot, nagnanasa;
at may batik din sa utak.
itong hinahangaan mong talino?
kung alam mo lamang ang sinulingan
bago ko ito natamo.
nagmula rin ako sa putik,
at tulad mo,
sumasagap ang aking talampakan
at bumbunan
ng init at lamig ng ating daigdig.
dalaga sa aking harap,
nagagalak ako sa pakikinig mong walang kurap
sa lagaslas ng talinghaga mula sa aking bibig;
at salamat sa pagbukas ng iyong puso at isip.
pero itanim sa isip: hindi ako isang propeta o diyos;
at kahit bawat hakbang ko’y pasan na ng tungkod,
rumaragasa pa rin sa aking mga ugat
ang sidhi ng nasang sumisid sa langit.
kaya dalaga sa aking harap,
pakiusap:
isinop ang iyong dibdib
ipinid ang mga tuhod.
Posted by ferayag
Posted by ferayag 
Posted by ferayag