Dayuhang Dahon

June 16, 2008

Tatlong dayuhang dahon ang dumausdos
mula sa binuklat kong aklat: kulay kalawang
na mga dahon ng cherry, sycamore, at walnut.
Sabi ng sipi sa pahinang sumipsip ng kanilang dagta:
The initial mystery that attends any journey is: how
did the traveler reach his starting point in the first place?

Kaninong mga daliri ang pumitas sa mga dahong ito?
Anong pitlag ng pulso ang nag-udyok sa kanya
upang kitlin ang taglay nilang kulay ng bahaghari?
Pinulot ko ang mga dahon at nalagas sila sa aking palad.
Agad kong kinuyom ang aking kamao upang salagin
ang hablot ng hangin; pero wala akong laban sa batubalani
ng langit: binatak nito isa-isa, dahan-dahan, ang aking mga daliri,
ibinuka tulad ng pagbukadkad ng bulaklak; talulot sa talulot,
tumingala ang aking mga daliri. Mayamaya’y umusbong
sa aking bisig ang mga munting sanga at dahon
at umawit ang isang ulilang Langay-langayan:

Llevad, llevad, oh flores !
amor a mis amores
paz a mi pais y a su fecunda tierra …

Nanuot sa aking ilong ang lansa ng katutubong dugo
mula sa nadurog na mga dahon. At bumukas ang tabing
ng isang dambuhalang palabas: St. Louis World Fair –
natulig ako sa titig ng angaw-angaw na taong bumibitil,
sumisinghot sa aking bahag. Kulay bigas ang kanilang balat
at parang ibong Kilyawan ang kanilang salitaan.
Nasaan ang bangkay ng aking kapatid?
Nangaligkig siya sa ginaw kagabi at di nakayanan ang kagat
ng lamig ng dayuhang lupain. Tumunog ang gong,
pumadyak-padyak ako habang ikinakampay ang mga kamay.
Nagkalansingan ang mga pilak sa aking harapan at ang hagikhikan
ng mga manonood na kulay bigas ang balat…

Umagos ang matang-tubig sa aking bumbunan,
nagsaboy ng luha sa nadurog na mga dahon:
bakit puso ko ang pumapasan sa mga patak?
Bakit ako ang lumuluha?

Delft: 1:37 pm
30 Setyembre 1994


AGAW-TULOG

May 8, 2008

1.
Ilang libong panaginip ang kailangan upang ako’y gumising?

Inalalayan ako ng isang kulubot na kamay pero putikan ang pampang
at nag-atubili akong humakbang, agad umatras ang aking mga daliri
nang dilaan sila ng tubig. Kaylamig ng madaling-araw!
Pero mahigpit ang paanyaya ng may-ari ng kulubot na kamay.
Wala siyang mukha, tanging ang malamlam niyang mata
ang nakikipag-usap, bawat titig niya ay kuryenteng pumipitlag
sa aking puso, bumubulong: karugtong ka ng aking hininga,
nuno ako ng iyong mga ninuno.

Pero ano pa ang babalikan ko sa bayang nilamon na ng mga alon?
Malayo at madilim ang kanlungan ng una kong uha,
nakalibing na sa tubig at putik ang sinilangang bayan.
At bakit kailangan pang apuhapin ang ilog-Bundang
na nag-iwi sa aking inunan?

Pumihit ang aking ulo, nagtangkang bumalik sa ligamgam
ng unan; pero tumubog na sa tubig ang aking puso
at iglap na tumubo ang aking pusod, pumulupot sa tadyang
ng panauhin kong walang mukha. Hinigop kami ng higanteng uli-uli.
Kumiwal ang aking buntot – kaygaan palang maging tutuuyok:
supling ba ako ng palaka o butil ng tamod?

Singdilim ng gabi sa gubat ang ilalim ng dam pero tiyak
ang aking pagkawag at pag-usad. Kinapa ko ang aking pusod;
kumaluskos ang mga nakakapit na tulya at talaba.
Nasaan ang aking panauhin, ang aking tagasundo? Walang sumagot,
walang kumibo. Wala ni isang tunog maliban sa tibok ng aking puso.

Mayamaya’y nasalat ng aking talampakan – na siya ko ring buntot –
ang lambot ng putik. At sa aking harapan, unti-unting humugis
ang isang krus, pasan ng dahan-dahang nabubuong pader ng lumang
simbahan ng Pantabangan. Umakyat ako sa kampanaryo at niyakap
ang damduhalang batingaw, bumakat sa aking dibdib ang kanyang mga titik:

San Andres Apostol. D. Pedro Buenaventura. Año. D. 1843.

2.
Umalingawngaw ang panganay na misa
ni fraile Antolin de Alincastre ng Espanya.
Kaykinang ng sable ng mga guardia sibil.
Parang tuod na nakaluhod sa harap ng kawayang altar
ang isang lalaking nakabahag. Sa tuktok ng krus, kumakampay
ang alampay ng nakapakong pagong. Umawit ang fraile:
In nomine Patris et Filii et Spiritus Santi. Elyat, datu ng mga Ilongot, binibinyagan kita sa pangalang Sebastian del Valle. Nalusaw at naging rosaryo ang plumahe ng agilang nakasuksok sa buhok ni Elyat.

3.
Biglang umalingawngaw ang isang musmos na tinig:
mâ-ê tugang-gang! mâ-ê tugang-gang!
Dumugo ang aking ilong, at nalaglag ang aking mga tainga.
Wala akong maintindihan gayong nagmumula sa aking bibig ang tinig,
gayong kasabay ito ng pintig ng aking dibdib:
mâ-ê tugang-gang! mâ-ê tugang-gang!
Tumatangis na tumalilis ang kalaro kong batang Ilongot,
halos liparin niya ang bundok ng Susong-Dalaga.
Mayamaya, tumambad sa akin ang aking sarili: tumatawid sa pilapil,
sunong ang bakol ng pananghaliang ihahatid ko
sa mga manananim ng sibuyas sa Sitio Abuyo.
Ano ang ibig sabihin ng mâ-ê tugang-gang.
Hindi ko alam, hindi ko alam. Umagos ang aking luha,
inanod ang simbahan, natunaw ang bakal na krus at umalimbukay
ang mga balumbon ng ulap na kalawang.

4.
Kabilugan ng buwan. Yumayanig sa nagsasalimbayang indak
ang makinis na lupang napapalibutan ng mga kubo,
umaalingawngaw ang mga pinapalong gong at biyas ng kawayan,
kumikintab ang ngiti ng buwan sa talim ng mga fal-feg at fong-kao
habang iwinawasiwas, pinaiikot ng mga mananayaw-mandirigma.
(Ilang baboy-damo na kaya ang binutas nila ang tagiliran?
Ilang Kristyano na kaya ang kanilang pinugutan?)

Pumalahaw si Elyat, kumawag sa kumot na nakasakbat
sa likod ng kanyang amang umaawit ng baliwayway:

Ta alim’bawa we maduken bilay mo
Sicapo ma manalima di’ke…
Atembawa sumican capo Ossong,
Sica ma mañgoma

Kasabay ng buka ng aking bibig:
… kapag nagkaroon ka ng mahabang buhay,
aalagaan mo ako sa aking pagtanda;
kapag binata ka na, aking anak,
ikaw naman ang hahalili sa akin sa bukid.

Nilamon ng kulog ang lahat ng tunog at tinig.
Mayamaya’y tumaginting ang talim ng badang,
nakipagtagisan sa mga siit at puno ng talahib.
Iniluwa ng kadawagan ang isang lalaking nakabahag:
madiin ang kanyang hakbang, itinatatak sa lupa
ang panganay na yapak sa iluluwal na bulaos.
Di nagtagal, sumipol ang isang kaingin,
sinaliwan ng awit ng isang babaeng nagdadalang-tao.

Sa sinapupunan ng basal na gubat,
sa gilid ng humahalakhak na ilog,
tumubo ang isang kubo,
umuha ang isang sanggol.
Isinilang ang isang tribo.

5.
In nomine Patris et Filii et Spiritus Santi. Dagling dumanak ang dilim.
Nagkalansingan ang nagpipingkiang mga sable at badang.
Sumirit ang dugo, gumulong ang mga ulong gumambala sa kaputian
ng mga bulaklak ng talahib. Credo in Deum Patrem omnipotentem,
dumagundong ang mga kanyon. Creatorem caeli et terrae.
Et in Iesum Christum, Filium eius unicum, Dominum nostrum

Nanginig ang mga bato at nagpista sa laman at lamad
ang mga damong Makahiya. Muling umindak ang mga talampakan
at umalimpuyo ang alikabok. qui conceptus est de Spiritu Sancto,
natus ex Maria Virgine, passus sub Pontio Pilato, crucifixus,
mortuus, et sepultus, descendit ad infernos
– pumaimbulog sa langit
ang mga alipato at palahaw ng nagliliyab na tribo,
sumundo ng sigwa:

Lupaypay na pakpak bakit ihihimlay
mga puno’t dampa’y tupok na kalansay?

6.
Bumukaka ang aking bunganga:

may bagong silang,
may bago nang buhay,
bagong bansa, bagong galaw
sa bagong lipunan,
nagbabago ang lahat –

Umangil ang mga makina at higanteng lagare,
tumimbuwang ang mga puno at nalunod ang mga gulod, pilapil at ilog.
Nagbalik si Minggan, ang higanteng mangingibig
ng isang diwatang may koronang waling-waling.
Hatak ng higante ang karitong puno ng buldoser at armalayt.
Sa isang iglap – naghihilik pa ang mga manok –
naitayo niya ang dam. Pero nasaan ang gantimpalang
pag-ibig ng diwatang may koronang waling-waling?

Nasaan si Maria Sinukuan?

Misioneros del Sagrado Corazon, Cebu City. 2:49 n.u.
03 Agosto 1983


TULOG NA HIPON

May 8, 2008

Hinagod ako ng lamig ng umaga,
mula talampakan hanggang batok
Nanginig ang aking gulugod.
Wala nang mas tatamis pa sa pagbaluktot,
tulad ng hipong inaanod ng agos.
Umaga itong ayaw kong bumangon,
pero masidhi ang babala ng mga kulisap –
wala silang tigil sa pagsilbato,
at katok nang katok ang mga butiki,
tumataghoy ang mga tuko: Bangon!

Sumisilip na ang mga abuhing ulap,
Sumisingit sa mga siwang ng pader
na mga dahon at sanga ng kahoy-gubat.

Hiningahan ko ang aking mga palad,
saka kinuskos at idinampi sa aking pisngi.
Dinama ko ang ligamgam ng sariling dugo.
Umaga itong ayaw kong bumangon,
gusto ko na lamang bumaluktot na parang hipon
at magpatianod sa agos ng paghimbing.

Pero basag na ang oyayi ng panaginip;
Nambubulabog na ang bulyaw ng bangungot.

Los Baños: 3:36 n.u
27 Hulyo 2007


KALAN

May 8, 2008

Inagaw ng agiw ang tikas ng mga tungko.
Masdan ang abo: pulbos na latak ng pagtatagisan
at pagtatagusan ng apoy at pagkalam ng utak at sikmura.
Sapat bang iguhit lamang sa noo ang krus na abo
ng sala-salabid na panaginip na kinalinga ng kalan?
Masdan ang mga tungko: mga ulilang alila,
ulirang tanod ng samutsaring pagbabanyuhay.
Sinong makapagsasabing nanatili silang tahimik?
Sa pag-indak ng liyab, hindi kaya sila naganyak umawit?
Singdilim ng alkitran ang gabing nakakapit
sa kanilang katawan; pero pakinggan: dumadaloy
ang ilog sa kanilang mga pusod, humalakhak pa rin
ang apoy na kaylaong kaulayaw ng luwad at bakal.

San Enrique, Antique. 11:09 n.g.
07 Nobyembre 1992


WALANG KAMATAYANG PAG-IBIG

May 8, 2008

Laksa-laksang kuto ang bumukal sa ulo mo Impo
noong tanghaling binulaga ako ng iyong bangkay.
Ilang milyong kuko ang kailangan para matiris
ang ganito karaming kuto? Parang kinakamot na yero
ang kaluskos ng kanilang mga paa sa nangangalirang
mong buhok. Ikapitumpong taon noon mula nang unang pumatak
ang dugo ng iyong pagdadalaga,
ikapitumpong taon ng panunuyo ng iyong mangingibig.

Walang nakagupo sa panunuyong iyon –
hindi ang pagpapakasal mo kay Ingkong,
hindi ang pagsilang ng inyong panganay
at labindalawa pang sumunod na supling,
hindi ang paglubog ng bayang Pantabangan,
hindi ang pagkalulong mo sa alak.
Ipinangako niya ang lahat, mula sa mga ligaw na bulaklak
hanggang sa katiyakan ng kinabukasan ng iyong kaapu-apuhan.
Wala siyang hininging kapalit maliban sa iyong puso,
na habambuhay mong ipinagkait. Anong bakal ang taglay
ng iyong dibdib at hindi ka natinag ng gayong pangako?

Isang dapit-hapon, hinuhukay mo ang bagong tubong Guyabano
para ilipat sa likod-bahay. Nang iangat mo ang puno,
biglang hinigop ng lupa ang hawak mong gulok,
puluhan lamang ang naiwang nakalitaw. At may naulinigan ka:
natungkab na bato? o nayuping lata? o nabasag na bote?
Biglang sumangsang ang hangin, sumirit ang init
ng pamilyar na titig sa iyong batok. Kumaripas ka papanik ng bahay,
nagtalukbong ng tatlong makakapal na kumot,
yumugyog ang buo mong katawan – isang tanawing
paulit-ulit kong masasaksihan hanggang noong tanghaling
natagpuan kitang wala nang buhay.

Ilang sandali, nakatulog ka at muling dinalaw ng iyong mangingibig.
Parang nag-uumpugang bato ang kanyang boses:
“Bakit ka natakot kanina mahal ko?” Hinanap mo ang pinanggalingan
ng tanong, pero tulad ng sa paulit-ulit mong panaginip,
sangsang ng hangin lamang ang nasagap ng iyong mga mata.
“Tingnan mo ang iyong tinakbuhan mahal ko,” masuyong dagundong ng boses. At tumambad sa iyo ang tapayang nabasag ng gulok ang takip,
umaapaw sa ginto at pilak. “Hanggang sa kapu-apuhan ng apo mo Julia,
walang maghihirap mahal ko.”

Nang palubugin ang Pantabangan, nang lamunin ng tubig
ang Pasong Kabayo – ang gubat na pinaniniwalaan mong kuta
ng iyong mangingibig, pitong araw at gabi kang nag-nobena
kay San Andres, nagpasalamat sa katapusan ng iyong ligalig.
Sa kauna-unahang pagkakataon, nawala ang singasing ng alak
sa samyo ng nganga sa iyong bibig. At habang nagluluksa
ang buong bayan sa pagkalunod ng inyong mga ilog, bukid, at gubat
parang Piloklok namang lumilipad ang iyong ngiti at halakhak.
Agad napuno ng sarisaring bulaklak ang ating bakuran –
lumiyab sa dilaw at pulang santan ang ating bakod;
nagsalitan sa araw at gabi ang bango ng camia at dama de noche;
araw-araw, humahalimuyak sa samyo ng sariwang rosas ang ating altar;
walang pahinga sa pamumulaklak ang bugambilyang
nakabalantok sa tarangkahan.

Nang minsang tanungin kita tungkol sa iyong mangingibig,
Saksi sa iyong salaysay ang simoy ng dalisay na hangin
sa ating bakuran. “Mayaman sana tayo ngayon, Impo,”
himutok ko habang nakikipagtitigan sa butas kong tsinelas.
Noon ko nalaman ang dahilan ng walang patid mong pag-inom
ng sioktong, ng madalas mong panginginig sa takot,
ng pagtakas ng kislap ng iyong mata, ng pagbubuhul-buhol
ng iyong buhok – bangungot na nabulabog ng dam
at ipinagkatiwala mo na sa mga alon. Sabi mo noon :
“Minsan ko lamang siya nasulyapan, pero pumikit ako agad
at nakiusap na kung talagang mahal niya ako,
huwag na huwag siyang magpakita sa akin. Nagmakaawa ako sa kanya.”
Pagmamakaawang sinunod naman ng iyong mangingibig.

Wala nang bakas ng bagabag sa iyong mukha noong umagang iyon,
parang nagkuwento ka lamang tungkol sa mga tagabulag
na dumudukot sa mga batang ayaw matulog sa tanghali.
Nanatili ang aliwalas ng iyong ngiti
kahit na noong mamatay si Ingkong, kahit noong mag-asawa
ang inyong bunso at dalawa na lamang tayo sa bahay.
Hiniling ko noon na sana bindi na bumalik ang iyong bangungot,
ang ating bangungot.

Pero anong hininga ang taglay ng iyong mangingibig?
Pagkatapos mong magbabang-luksa kay Ingkong,
muli kang nilusob ng matinding takot. Nangatog
ang buo mong katawan, umurong ang iyong dila
at hindi ka na nakapagsalita mula noon. Parang tagusang bubog
ang mga mata mo pero wala akong maaninag
kundi makapal na balumbon ng ulap.

Makalipas ang tatlong araw, dinatnan kitang nakabulagta sa balkon,
bumabalong ang kuto mula sa buhul-buhol mong buhok.
Hindi ko mawari ang sangsang na nakakapit sa hangin.
Nang ayusin ko ang iyong bangkay, napansin ko ang mga hibla
ng buhok ng kabayo sa nakakuyom mong kamao. Nanlaki ang aking ulo
at gumapang ang kilabot sa buo kong katawan.
Dinalaw ka ng iyong mangingibig, na kailanman man
ay hindi mo ginawaran ng kahit karampot na ngiti.

Paano nga ba ibigin ang isang nilalang na kahit sa panaginip
ayaw mong tingnan? Paano mo nga ba iibigin Impo,
ang isang tikbalang?

Diaat, Ma. Aurora. 11:29 n.g.
30 Abril 1979


DESAPARECIDO

May 8, 2008

Pitong taon na siyang hindi bumabalik
at tila walang katapusan ang aking paghihintay.
Bawat araw dapit-hapon ng pagdungaw
at pagtanaw sa kawalan; bawat dapit-hapon
pagkapit sa humuhulas na mga gunita.

Pitong taon, pitong taon ng paghihintay
sa kagubatan ng pag-iisa –
nagsasalimbayan ang mga agam-agam at pangitain;
nagbubuhul-buhol ang tilaok ng manok at taghoy ng kuliglig;
nalulusaw ang lahat ng mapa at krokis,
sumasanib sa halumigmig na nakayakap
sa nangangaligkig na mga sanga at dahon;
nababasag ang silahis ng liwanag
sa bawat paghugot ng buntong-hininga.

Paano iindahin ang mga kudlit ng durog na bubog
na ihinahaplit ng inip sa tumatangis na kisame at dingding?
Paano sasalagin ang sikdo ng bigong pag-asam
na bitbit ng bawat aninong maaninag, ng bawat kaluskos na maulinig?

Nakasalampat ako sa isang higanteng sapot ng pagtangis,
poot, kamatayan, at pag-asa –
nag-uumpugan ang pagluluksa, ningas ng kandila,
banderitas, ginisang bawang at sibuyas,
formalin, pintura,
kolostrum, pusod, bumbunan, lampin
litrato ng pamilya, katibayan ng bautismo,
diploma sa kolehiyo,
kombatsyus, batuta.

Manhid na ang aking mga daliri sa walang patlang na pagkatok
at pagmamakaawa sa bawat tarangkahan, sa bawat pinto –
kampo ng sundalo, kulungan, detatsment,
opisina ng pulisya, tanggapan ng human rights,
telebisyon, radyo, diaryo;
puso ng mga obispo, pari, madre, mga manggagawa ng n.g.o.,
ng mga kapitbahay, may-ari ng pabrikang dating pinapasukan
ng aking anak, kung saan siya huling nakita.

“Anak ko –
tulungan nyo akong hanapin ang aking anak.”

Paghihintay –
isang nagngangalit na dagat,
nadudurog na burol,
tuyot na patak ng ulan;

langkay-langkay na pagsalakay ng agnas na hininga,
ng talaksan ng upos, ng kinakalawang na hinlalake,
ng pulbura; ng mga butil ng pawis, dugo, plema, tamod,
at binunot na mga kuko.

Paghihintay –
isang kulubot na kamay,
lumulutang sa pagitan ng pintong nakatiwangwang
at ulilang kandilang pitong taon nang nananabik
sa halik ng apoy.

Paombong, Bulacan. 1:43 n.u.
24 Disyembre 1987


NIYEBE

May 8, 2008

Mahalumigmig ang hangin
at nagliliyab ang mga gunita:
sa salimbayan ng panangis at putok
at pautal-utal na habilin at sigok ni Tatang,
pinasan ko ang krus ng isang tagubilin at panata –
ipagtanggol ang lupa.

Dumakot ako ng dugo sa kinalugmukan ni Tatang;
at nalanghap ko ang kamandag ng hininga
ng mga mangangamkam ng bituka at kapalaran.
Dinampot ko ang asarol at sinimulang hawanin ang burol.
Biniyak ng unang bagsak ng kalawanging pangil na bakal
ang bungo ni Tatang. Dimpaw! Sinong pumaslang
kay Datu Dimpaw, sa nuno ng aking mga ninuno?

Umalingasaw ang pulbura mula sa aking hintuturo,
gumapang at humabi ng pugad sa aking anit,
humukay ng lungga sa ilalim ng aking mga kuko,
tinubuan ng isang batalyong bibig ang buo kong katawan
at sabay-sabay silang nagtalumpati:

There was nothing left for us to do but to take them all,
and to educate the Filipinos, and uplift and civilize them,
as our fellow-men for whom Christ also died.

Tumalungko ako sa bangas na bungo ni Datu Dimpaw,
nilantakan ko ang kanyang utak habang hinahagod ko ng tingin
ang biyaya ni Abal: Akin ang lupaing ito! Mayamaya,
pumailanlang ang koro mula sa isang batalyong bibig:

i’m dreaming of a white christmas,
just like the ones i used to know,
where the treetops glisten, and children listen
to hear sleigh bells in the snow –

At humagok ang kahungkagang humahalukay
sa aking kaluluwa: Niyebe. Niyebe!

St. Joseph’s College, Lungsod ng Quezon. 2: 07 n.u.
19 Enero 1986


BASAG NA BUBOG SA BIBIG

May 8, 2008

Umuulan ng bituin nang igawad mo sa aking noo
ang iyong huling halik: singlamig ng gatilyo
ang iyong labi. Pinisil mo ang palad ko at lumigwak
ang basag-basag na bubog sa aking bibig.
Walang kislap ang iyong ngiti,
pundidong bombilya ang iyong mga mata.

“Inang, anak po ako ng sambayanan”.
Oo, pero sabihin mo sa akin kung paano iwaksi
ang pangamba ng sinapupunang nagluwal
ng luwalhating ngayo’y namamaalam?
Sabihin mo sa akin kung paano pasusubalian
ang pintig nitong dibdib na bukal ng iyong hininga
at pag-ibig? Unti-unting kumupas ang papaliit mong likod,
hanggang tuluyan kang sumuksok sa kasukalan.

Nahulog ako sa balon ng mga tumatangis na ahas,
Sinubukan kong umakyat sa nilulumot na pader
pero dumulas ang aking mga kuko. Nabitiwan ko ang baul
ng resureksyon mula sa kamandag ng iyong pag-alis
at sumambulat ang mga balahibo at plumahe ng isang uwak.
Sa aling bato ko ibabakat ang bakas ng pagbabaka-sakali?
Paano aaninagin ang anino ng sarili sa nagluluksang
lamlam ng mga tala at lilim ng talampas?

Wala akong ibang daan kundi ang sumandig
sa himala ng agimat at pananalig.
Lumuhod ako at ngumanga ang sugat
sa magkabila kong tuhod; ikinampay ko ang aking bisig,
pero sa halip na umangat, bumuka mula sa aking kilikili
ang isang gulanit na payong, nakikiusap:
agawin mo ako sa kalawang, haplusan ng langis
ang hukot kong tagdan at bali-baling mga tadyang,
suubin mo ako ng sinunog na palaspas at ilibing
sa puno ng tarangkahan. Pagkatapos, diligin mo ako ng dasal
at pananabik; hintayin mo ang lagablab ng aking mga talulot.

Pumintig ang unang signos ng buhay sa aking sinapupunan,
nahilam ako sa alat at liyab ng pag-asa at pag-asam
na ligtas kang babalik. Dumukwang sa bunganga ng balon
ang isang naghihingalong uwak: ngumanga ako para sahurin
ang kanyang pagluluksa; pero nanatiling nakalutang sa hangin
ang kanyang luha. Tigang na lupang nagkabitak-bitak
ang ngalay kong ngala-ngala at dila.

Kuala Lumpur. 2:05 n.u.
13Abril 1994


BUMABALONG ANG LIBU-LIBONG BIYOLETANG BULAKLAK

May 8, 2008

Anong babala ang gumambala sa mahimbing mong paghimlay
upang languyin ang ligalig ng lagalag kong panaginip?
Kaylalim ng dilim ng mga taon ng paglimot na nakapagitan sa atin,
kaylapot ng banlik na nakabalot sa iyong mga buto at bungo,
kaybigat ng tubig na pasan ng iyong pinid na puntod,
ano’t nagawa mong humulagpos
at ako’y dalawin?

Pumuslit ka mula sa hilik ng tulog na bulkan
na ngayo’y kubkob ng lamig ng nagsali-salikop na mga ilog;
naglambitin sa nilulumot na kalansay ng Mulawing
sa pagkalunod ay nakakapit pa rin sa kasintahang gulod –
(saan pa hahagilap ng halimbawa ng wagas na pag-ibig?)

Lumulan ka sa mga alon,
pumailanlang kapiling ng mga bula,
pagdating sa pampang, paulit-ulit mong siniil ng halik ang burol
na pinaglipatan ng mga buto at bungo ng iyong mga kadugo,
ng aking mga ninuno.

Anong dasal ang iyong inusal? Anong salamangka ang iyong tinula?
Sandangkal mula sa aking ulunan, lumagaslas sa himbing kong malay
ang gumuhong tadyang ng sementeryo – natungkab ang mga nitso,
bumukas ang mga kabaong, at bumulagta ang matandang Baleteng
tanod at parola ng mga kaluluwang naglalakbay,
punong tagapag-ingat ng mga lihim ng pugot na sepulturero.

Dumausdos ang hinihigan kong papag,
bumulusok sa kailaliman ng dam at nalagas ang aking mga ngipin at kuko,
nagkalasug-lasog ang aking mga buto, natunaw ang aking laman.
Saan ako ihahatid ng iyong lupit? Diyos ka ba o Demonyo?

Nasaan ang aking bibig? Bakit hindi mo ako marinig?
Huwag, hindi ako sasama. Bakit mo ako sinusundo?
Tingnan mo: bumabalong ang libu-libong biyoletang bulakalak
sa aking bulong!

Pero nasaan ang aking bibig?

Pangasinan: 1:46 n.u.
23 Pebrero 1988


PAGHULAGPOS SA BANLIK NG PAGLIMOT

May 8, 2008

Paulit-ulit ang inyong pagdalaw
at mahigpit ang inyong pagbabantay.
Walang patid ninyong tinugaygayan
ang aking paglalagalag; kinabisado ang likaw
ng bawat sulok at singit ng aking mga panaginip.
Tinambangan ninyo at binulabog
ang mga madaling-araw ng aking pag-aagaw-tulog,
mga sandaling pinipilit kong iwaksi
ang bagsik ng daigdig, nang kahit paano’y makaipon ng lakas
para sa susunod na paggising. Pero walang sablay
ang inyong pagsalakay; pinasok ninyo
ang pinakamatibay kong tanggulan –
binihag ninyo ang aking talinghaga.

At sino ako para tumanggi?
Sa dibdib ninyo namulaklak ang aking bibig.
Sino ako para sumuway? Iginuhit ng inyong mga talampakan
ang bulaos na aking dinadaanan.

Kaya narito ang aking mga panaginip,
ang lambat ng inyong mga bangungot. Mapasisid ko sana
ang mga gunitang nakalibing sa lamig ng tubig-dam,
Mapahulagpos ko sana ang bahag at badang
na ngayo’y nakabaon sa putik at banlik ng paglimot.

Pook Makiling, UPLB. 3:49 n. u.
29 Abril 2008