October 24, 2009
siya ang magarang plastik na lantarang iniaabot
ng trapolistang sa mga nasalanta’y nakikihimutok,
pero hindi kawanggawa ang kanyang pangalan;
kilatising maigi, kilatisin ang bawat kaluskos
at tuntunin ang ugat ng ganitong paglilimos.
tubig sardinas noodles bigas kape damit
nagsasalimbayang mga karton at plastik,
may tatak na logo o alyas o pakyut na mukha
ng trapolistang bumait nang biglang-bigla;
pero hindi kawanggawa ang kanyang pangalan.
hindi siya ang bisig ng payat na basurerong
nilamon ng baha ang barungbarong at mga anak,
pero nagtaya ng buhay para kapuwa ay masagip;
hindi siya ang tinapay na tahimik na ipinagkaloob
ng kamay na nangangatog din sa gutom at lamig.
siya ang biyayang kahit hindi pa dumarating
sinasalubong na agad ng papuri at patalastas –
biyayang may sariling banda at kurbating;
kilatising maigi, kilatisin ang kaluskos
at tuntunin ang ugat ng ganitong paglilimos.
nakakapawi ng gutom at ginaw, bakit hindi;
pero hindi kawanggawa ang kanyang pangalan.
tawagin natin siyang halagang dapat itinumbas
sa pinagpaguran ng mga manggagawa, pero nililimas
ng trapolistang sa atin ngayon tila santong naglilimos.
tawagin natin siyang buwis na dinambong –
ligtas at saganang buhay na sa ati’y inumit
ng mga trapolistang babad sa kislap ng kamera,
at may retokadong ngiting pamingwit ng boto;
hindi kawanggawa ang kanyang pangalan.
kilatising maigi, kilatisin ang kaluskos
at tuntunin ang ugat ng ganitong paglilimos:
siya ang kahandaang sa ati’y ipinagkakait
para pag may sakuna maging santo ang ganid;
kaya tawagin natin siyang pagbabalat-kayo,
kaya tawagin natin siyang pagsasamantala.
sapagkat hindi kawanggawa ang kanyang pangalan.
1 Comment |
Uncategorized | Tagged: dumlao, limos, noodles, politics, trapo, tula |
Permalink
Posted by ferayag
October 24, 2009
(sa mga sinalanta ng bagyong ondoy)
siya ang bahang naghatid ng sanlaksang putik
at nagpabulwak sa dagat ng ating hinagpis,
pero hindi delubyo ang kanyang pangalan;
titigang maigi, titigan ang kanyang mukha
at tuntunin ang bukal ng ating mga luha:
mga kalansay na bahay at gumuhong pader,
naghambalang na puno at poste ng kuryente,
nagkalat na damit, laruan, tabla, at yero,
nakabalandrang ref, kompyuter, at kotse;
hindi delubyo ang kanyang pangalan.
walang babala, dumating siyang rumaragasa,
lahat nang mahagip, nilingkis, walang pinili,
naghasik ng takot kahit saang sulok.
titigang maigi, titigan ang kanyang mukha
at tuntunin ang bukal ng ating mga luha:
dinggin ang panaghoy, masdan ang mga bangkay;
hindi delubyo ang kanyang pangalan.
tawagin natin siyang munting plastik
o latang ipinaanod natin sa tubig-kanal;
hindi delubyo ang kanyang pangalan.
tawagin natin siyang mall at subdibisyon
na kumamkam sa puwang na dapat niyang daluyan,
tawagin natin siyang basurang iniluluwa
ng lokal at dayuhang planta at pabrika;
hindi delubyo ang kanyang pangalan.
tawagin natin siyang gubat na kinalbo
ng mga magtotroso sa konggreso at senado,
tawagin natin siyang bundok na hinalungkat
ng mga minahang may basbas ng batas;
hindi delubyo ang kanyang pangalan.
titigang maigi, titigan ang kanyang mukha
at tuntunin ang bukal ng ating mga luha.
Siya ang yamang-bayang ibinubulsa
ng tiwali’t mandarambong na politiko;
kaya tawagin natin siyang kasakiman,
kaya tawagin natin siyang kapabayaan;
sapagkat hindi delubyo ang kanyang pangalan.
Leave a Comment » |
awit ng paglaya | Tagged: delubyo, dumlao, kasakiman, konggreso, ondoy, senado |
Permalink
Posted by ferayag
October 24, 2009
Here, here the tomb of Bulosan is,
Here, here are his words, dry as the grass is.
- Carlos Bulosan, “Epitaph”
———
Sapagkat kaagad nagliliyab ang tuyong damo
sa bahagyang halik ng apoy,
at iglap na naaabo ang kanyang alipato,
Hindi, Allos, hindi tuyong tulad ng damo
ang iyong mga salita; oyayi sila
ng mga ilog at kabukiran ng Mangusmana
na kumakalong sa tuwa ng iyong kamusmusan –
gunitang sumasalag sa ulos ng taglamig.
Hindi, Allos, hindi tuyong tulad ng damo
ang iyong mga salita; halakhak sila
ng mga bulubundukin at kapatagan ng Amerika,
lunting luwalhating humahaplos sa iyong likod
kapag sinasalakay ng hapo at lungkot
ang mga plantasyon ng mansanas, gisantes, at asparagus.
Hindi, Allos, hindi tuyong tulad ng damo
ang iyong mga salita; tagulaylay sila
ng aming hinagpis at poot, taginting ng tula
sa gitna ng gutom at dahas, lagaslas
ng dugong dumadaloy sa aming pag-asa at panaginip.
Hindi, Allos, hindi tuyong tulad ng damo
ang iyong mga salita; sapagkat
kailan ba natuyo ang tula at puso
ng makata ng sambayanan? kailan ba natuyo
ang pagasam at pag-asa sa pagsilang
ng bagong daigdig?
Leave a Comment » |
awit ng paglaya |
Permalink
Posted by ferayag
October 16, 2009
(awit para kay Mark Velasco, mang-aawit
ng Kulturang Ugnayang Alay sa Bayan
o KULAYAN at lider-aktibista sa UPLB)
sentensyado si Mark Velasco
sa korte ng kanilang mga bintang,
kaya di nakapagtataka kung isang umaga
matagpuan na lamang natin siyang
nakabulagta sa kung saang talahiban,
sa kung saang tambakan ng basura;
o dukutin na lamang siyang
tulad nina Shirley Cadapan at Karen Empeño
at habambuhay na nating di makita.
ano ang kanyang kasalanan?
inaawit lamang niya ang gutom at hinagpis
sa mga mata ng mga musmos,
inaawit lamang niya ang mundong
walang ligalig, walang busabos.
sentensyado si Mark Velasco
sa kamandag ng kanilang mga salita.
at dahil nagkukubli sila sa mga sulok
ng kanilang karuwagan at pananakot,
wala silang mukha;
pero kilala na sila ng sambayanan –
umaalingasaw ang sariwang dugo
sa kanilang mga kuko at pangil.
Leave a Comment » |
awit ng paglaya | Tagged: kuko, Mark Velasco, musmos, pangil |
Permalink
Posted by ferayag