Makamandag ang tagtuyot.
Sinisipsip nito ang utak
at lakas ng ano mang may buhay
na kayang magpakislot ng salita.
Kapag sumagpang, hindi ito bumibitiw
hanggang hindi nalalagutan ng hininga
ang biktima. Minsa’y naka-engkuwentro
ko ang tagtuyot, nanlilisik
ang kanyang mata, wala akong nagawa
kundi ipain ang aking leeg
na agad niyang sinagpang;
rumagasa ang kanyang kamandag
sa aking mga ugat, umakyat
sa utak, nagdiliryo ang aking ulirat.
Muntik matigang ang aking lakas.
Kulog ang kanyang halakhak
nang inakala niyang lubusan
na niya akong nagapi. Ngunit
sa kahuli-hulihan kong sigok,
bumulwak ang mga salita,
bumangon ang mga imahen,
rumagasa ang hiraya. Naumid
ang tagtuyot, nagkalasug-lasog
makikintab niyang mga pangil.
This entry was posted on Friday, June 20th, 2008 at 5:11 am and is filed under hiraya ng hugis at tunog. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0 feed.
You can leave a response, or trackback from your own site.