Muling nakatagpo
ang mirasol mong titig
ng mga matang mahilig maglunoy
sa ilog ng pagkagiliw.
Pintor ka. Ito marahil ang dahilan
kung bakit ang iyong titig
ay banayad na haplos sa hapong dibdib.
Ngunit maaari ring sadya kang nahalina
sa mga matang iyon na taglay
ang ligamgam ng bukang-liwayway.
Pinaliguan ka niya ng malamlam na liwanag.
Paano tatanggihan ng mirasol ang sinag-araw?
Mahal, kung mas nangingibabaw
sa talinghaga ng ilog at dilim
ang batubalani ng araw; huwag mag-atubili –
iwan mo ang halad kong tula,
sundan ang araw, huwag itikom
ang mirasol.
Subyang sa ilalim ng aking kuko
ang panakaw mong sulyap,
ang palihim mong pag-aninag sa lamyos
ng matang iyon na gustong maglunoy
sa hamog ng iyong titig.
This entry was posted on Wednesday, June 18th, 2008 at 7:15 am and is filed under siwang sa mga sulok ng sarili. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0 feed.
You can leave a response, or trackback from your own site.