Dayuhang Dahon

June 16, 2008

Tatlong dayuhang dahon ang dumausdos
mula sa binuklat kong aklat: kulay kalawang
na mga dahon ng cherry, sycamore, at walnut.
Sabi ng sipi sa pahinang sumipsip ng kanilang dagta:
The initial mystery that attends any journey is: how
did the traveler reach his starting point in the first place?

Kaninong mga daliri ang pumitas sa mga dahong ito?
Anong pitlag ng pulso ang nag-udyok sa kanya
upang kitlin ang taglay nilang kulay ng bahaghari?
Pinulot ko ang mga dahon at nalagas sila sa aking palad.
Agad kong kinuyom ang aking kamao upang salagin
ang hablot ng hangin; pero wala akong laban sa batubalani
ng langit: binatak nito isa-isa, dahan-dahan, ang aking mga daliri,
ibinuka tulad ng pagbukadkad ng bulaklak; talulot sa talulot,
tumingala ang aking mga daliri. Mayamaya’y umusbong
sa aking bisig ang mga munting sanga at dahon
at umawit ang isang ulilang Langay-langayan:

Llevad, llevad, oh flores !
amor a mis amores
paz a mi pais y a su fecunda tierra …

Nanuot sa aking ilong ang lansa ng katutubong dugo
mula sa nadurog na mga dahon. At bumukas ang tabing
ng isang dambuhalang palabas: St. Louis World Fair –
natulig ako sa titig ng angaw-angaw na taong bumibitil,
sumisinghot sa aking bahag. Kulay bigas ang kanilang balat
at parang ibong Kilyawan ang kanilang salitaan.
Nasaan ang bangkay ng aking kapatid?
Nangaligkig siya sa ginaw kagabi at di nakayanan ang kagat
ng lamig ng dayuhang lupain. Tumunog ang gong,
pumadyak-padyak ako habang ikinakampay ang mga kamay.
Nagkalansingan ang mga pilak sa aking harapan at ang hagikhikan
ng mga manonood na kulay bigas ang balat…

Umagos ang matang-tubig sa aking bumbunan,
nagsaboy ng luha sa nadurog na mga dahon:
bakit puso ko ang pumapasan sa mga patak?
Bakit ako ang lumuluha?

Delft: 1:37 pm
30 Setyembre 1994


kayraming patibong

June 16, 2008

Kumikislap at nag-aamoy pulbura
bawat bagay na matagisan
ng kanyang tinig,
walang gatol kung siya’y mangaral
tungkol sa tunggalian ng mga uri sa lipunan.

At, oo, hindi siya aktibistang kapit-bangko
na walang inatupag kundi ang ngumawa;
bawat masagap niyang inhustisya’t tiwali
maagap na kilos ang kanyang sukli.

Ni minsan hindi siya lumiban sa rali,
sa loob at labas man ng kampus;
maka-tres, maka-singko, walang kaso;
malinaw ang kanyang prinsipyo:
iskolar ng bayan, laan ang buhay sa sambayanan.

Ay! kaytalas ng kanyang utak at bibig,
nahihimay ang salimuot ng suliraning pandaigdig,
kahit ako na kanyang guro, talagang yumuyuko
sa kanyang galing at tapang at komitment.

Pero tama siya,
kaydaming patibong ng imperyalismo,
kayhusay nitong dumiskarte,
kaygaling magbalat-kayo;

siya, na sukdol-langit ang galit sa kapital
nasa call center ngayon, mumurahing kalakal.


sa memory ng bat cave

June 16, 2008

maulan ngayong first day ng sembreak
nakakapit sa curtain ng window
ang lamig ng forest.
naka-embrace ako sa aking knees,
pini-peep ang moss sa branch ng acacia
na naka-canopy sa aming apartment,

parang hair yong moss pero di nagmu-move,
di nagsu-sway sa dance ng leaves.

di tulad ng ating hair
na nagi-scatter sa bawat corner ng classroom
pag nabo-blow ng air mula sa electric fan
na puno ng rust at dust at cobweb.

ayaw mag-stop ng ulan
ngayong first day ng sembreak,
ina-attack ako ng memories
ng inyong poems at stories,
ng inyong smiles at pangungulit.

(sus! kahirap i-parry ng sama ng loob
na sini-send ng nagka-curve nyong eyebrows
everytime na iri-return kong red na red
ang inyong mga writing assignment.)

at yes, right now napi-prick ang aking conscience
(parang wound sa armpit na naka-soak sa sweat)
ng pag-condemn nyo sa pagdukot, sa pag-salvage
sa mga tibak na nagdi-defend ng ating rights.

true, sing-silent ng moss ang inyong pagdating
pero sing-sure din ng pag-stick nito sa branch
ang pag-capture nyo sa aking pagi-imagine –
so, kahit maulan ang first day ng sembreak
no space ang senti, no space ang sad moment.