Hinahamon ako
ng mga langib
ng punong akasya –
mula sa pinakamagaspang
hanggang sa pinakapino;
mula sa mga nakatinghas
na halos malaglag na sa lupa,
hanggang sa mahigpit pa
ang kapit sa puno at sanga;
mula sa pinakatayangtang
hanggang sa mga babad pa sa nana.
Hinahamon nila akong lapitan sila,
masdang isa-isa, at haplusin.
At nang gawin ko ang gayon,
natuyot at nagkabitak-bitak
ang aking mga palad –
binulaga ako
ng sarili kong mga langib.
May kung anong pinong tinik
ang tumusok sa aking mga mata.
sariling langib
June 20, 2008poso at bituin
June 20, 2008 Sabi mo
ako’y iyong ginising
sa pagkakagupiling.
Nangako ka
ng isang bituin.
Salamat.
Pero sana
ipagtayo mo rin ako
ng poso;
kailangan ko ng tubig
na pantanggal-muta,
nang aking maaninag
ang ningning
ng iyong pangako.
paramdam ni Kamatayan
June 20, 2008Nagparamdam sa akin
si Kamatayan kagabi:
isinayaw
ng hanging iniluluwa
ng electric fan
ang tinuhog
na bulaklak ng kampupot
at ilang-ilang
na isinabit ko sa kisame.
Wala na ang gilas
ng sariwang talulot;
mga daliring kulubot
ang ngayo’y nakakapit
sa taling unti-unting
nalalagot.
Iginupo ako ng antok.
mga imahen ng pagdarahop
June 20, 2008Kinakabagang palabigasan sa ilalim ng kalang singlamig ng nguso ng butas na takure. Mga langutngot ng gasgas na bitukang namimilipit sa ibabaw ng dulang. Mga matang nililingkis ng tagtuyot habang naglalambitin sa nagninisnis na atip na gawa sa dahong niyog – binibigti ang gutom habang nakikipagpiko sa mga usa at baboy-damong dumudungaw sa manipis na siwang ng bubong. Hershey’s at Barbie doll na naliligiran ng pader na nakatirintas ng alambre, at pinakikinang ng mga pangil na bubog – tinatanuran ng mga matang may lisik ng tingga, ng amoy pusaling pag-ismid, ng tapik sa balikat na singgaspang ng punso. Ulilang tsinelas, gulanit na istrimer, sinasakal ng tirgas at pulbura sa sinapupunan ng Mendiola Ararong nginangatngat ng kalawang, nakahilig sa tarangkahang inuunano ng mga mutha, nasasabik sa haplos ng mga kalyuhing daliring ngayo’y naghahasik ng liyab sa tagulaylay at oyayi ng paghuhunos; mga daliring sumisipol ng punglo at palakard, bigas tsinelas kalan dulang, upang muling padaluyin ang ilog sa nangangalirang na retina ng tagtuyot.
makamandag ang tagtuyot
June 20, 2008
Makamandag ang tagtuyot.
Sinisipsip nito ang utak
at lakas ng ano mang may buhay
na kayang magpakislot ng salita.
Kapag sumagpang, hindi ito bumibitiw
hanggang hindi nalalagutan ng hininga
ang biktima. Minsa’y naka-engkuwentro
ko ang tagtuyot, nanlilisik
ang kanyang mata, wala akong nagawa
kundi ipain ang aking leeg
na agad niyang sinagpang;
rumagasa ang kanyang kamandag
sa aking mga ugat, umakyat
sa utak, nagdiliryo ang aking ulirat.
Muntik matigang ang aking lakas.
Kulog ang kanyang halakhak
nang inakala niyang lubusan
na niya akong nagapi. Ngunit
sa kahuli-hulihan kong sigok,
bumulwak ang mga salita,
bumangon ang mga imahen,
rumagasa ang hiraya. Naumid
ang tagtuyot, nagkalasug-lasog
makikintab niyang mga pangil.
huling hibla ng hininga
June 20, 2008Huling hagod ito ng ngarag kong palad
sa gitarang karugtong ng pawis ko’t libag.
Bawat kalabit, bawat panginginig
ng kuwerdas, ng mga daliri at tinig,
may mga alikabok na nalalaglag,
may mga alaalang naglalagalag –
gumagalugad sa mga gulod at gilid
ng kamusmusang hitik sa halas at gilik;
dumudukal sa bukal ng danas at dunong –
pamana ng bandilang pula’t kamaong kuyom.
Ay! kasama, simbilis ng sulyap ang lagablab
ng kamusmusang tila hindi mapapatid.
Ay! katuwang, singtulin ng talon ang tagaktak
ng kasibulang tila hindi masasaid.
Huling kalabit ito ng ugatin kong mga daliri
sa gasgas na kuwerdas ng aking gitara –
bayaang igaralgal ang kalbaryo ng uring
ang paglaya’y puno’t dulo nitong pagkanta.
Pagdamutan, ngarag na halad ng kaluluwa –
katapusang hibik, huling hibla ng hininga.
titser kibitser
June 20, 2008
Nakakabilib
si titser kibitser:
laging nakikinig,
laging nagmamasid.
Hindi umiidlip
si titser kibitzer.
Kahit pinid na silid
kaniyang nasisilip.
Talagang nakakabilib.
May radar si titser kibitzer,
kaygaling niyang humagip
ng kahit anong tsismis –
“you know ba? yan daw si ano
nagpaano bzz bzz bzz.”
At kaygaling niyang kumilatis:
“look o, can’t even speak
straight English!”
“yuck, what a jolog,
tingnan mong manamit!”
Nakakabilib.
wala na akong masulingan
June 20, 2008
Gusto kitang kalimutan:
kung ilang beses
ko nang binagsakan
ng bato
ang iyong bungo,
pero paulit-ulit
na nagbabagong anyo’t buhay
ang sumasambulat mong utak.
Sanlaksa sila ngayong umuusig
sa akin.
Minumulto nila ako,
wala na akong masulingan
kundi ang makisilong
sa liwanag,
at bagsakan ng bato
ang sarili kong bungo.
digmaan
June 20, 2008
Hinawi niya ang nalumlom
na sinampay – mga paniking
nakabitin sa bintana
ng kanyang lungga.
Sinaksak ng mga retaso ng liwanag
ang kanyang katawan at mukha.
Muling nagtalsikan sa kaniyang ulirat
ang pulbura at mga piraso ng bakal
na gumutay sa kanyang mga binti,
at sa hininga
ng kaniyang ama’t ina, isang umagang
palabas sila ng Mosque.
Sinisid ng kanyang tingin
ang lunting alon ng bakuran.
Sa kanyang isip,
binubulabog niya ang mga butil ng hamog
na nakikipagkindatan sa sinag ng araw,
sinasalat ng kanyang talampakan
ang nagsakliwat na sapot ng gagamba.
Nahinog ang hamog
sa kanyang mga mata.
Umingit, pumihit
ang kanyang wheelchair.
Wasak na saranggolang
kumampay
ang ulila niyang
binti.
yor istragol, my istragol
June 20, 2008
for yu
na nagweyds ng wor
wid words
na yong winiwisper
sa eyr o sa peyper
para iseyv ang nagdwindol
nating mga fores
for yu
na magrader day
sa yurin at blad ng mga fores
kaysa magliv nang long
na whayt naman sa fir
biliv ako sa yo
eylyen reys da ruf
mey ay jas riques
dont tern naman
ol de gans to pens
en da sords to estaylus
kase
ang gans at sords
ay may yus
na di kaya ng words
Posted by ferayag
Posted by ferayag
Posted by ferayag