1.
Ilang libong panaginip ang kailangan upang ako’y gumising?
Inalalayan ako ng isang kulubot na kamay pero putikan ang pampang
at nag-atubili akong humakbang, agad umatras ang aking mga daliri
nang dilaan sila ng tubig. Kaylamig ng madaling-araw!
Pero mahigpit ang paanyaya ng may-ari ng kulubot na kamay.
Wala siyang mukha, tanging ang malamlam niyang mata
ang nakikipag-usap, bawat titig niya ay kuryenteng pumipitlag
sa aking puso, bumubulong: karugtong ka ng aking hininga,
nuno ako ng iyong mga ninuno.
Pero ano pa ang babalikan ko sa bayang nilamon na ng mga alon?
Malayo at madilim ang kanlungan ng una kong uha,
nakalibing na sa tubig at putik ang sinilangang bayan.
At bakit kailangan pang apuhapin ang ilog-Bundang
na nag-iwi sa aking inunan?
Pumihit ang aking ulo, nagtangkang bumalik sa ligamgam
ng unan; pero tumubog na sa tubig ang aking puso
at iglap na tumubo ang aking pusod, pumulupot sa tadyang
ng panauhin kong walang mukha. Hinigop kami ng higanteng uli-uli.
Kumiwal ang aking buntot – kaygaan palang maging tutuuyok:
supling ba ako ng palaka o butil ng tamod?
Singdilim ng gabi sa gubat ang ilalim ng dam pero tiyak
ang aking pagkawag at pag-usad. Kinapa ko ang aking pusod;
kumaluskos ang mga nakakapit na tulya at talaba.
Nasaan ang aking panauhin, ang aking tagasundo? Walang sumagot,
walang kumibo. Wala ni isang tunog maliban sa tibok ng aking puso.
Mayamaya’y nasalat ng aking talampakan – na siya ko ring buntot –
ang lambot ng putik. At sa aking harapan, unti-unting humugis
ang isang krus, pasan ng dahan-dahang nabubuong pader ng lumang
simbahan ng Pantabangan. Umakyat ako sa kampanaryo at niyakap
ang damduhalang batingaw, bumakat sa aking dibdib ang kanyang mga titik:
San Andres Apostol. D. Pedro Buenaventura. Año. D. 1843.
2.
Umalingawngaw ang panganay na misa
ni fraile Antolin de Alincastre ng Espanya.
Kaykinang ng sable ng mga guardia sibil.
Parang tuod na nakaluhod sa harap ng kawayang altar
ang isang lalaking nakabahag. Sa tuktok ng krus, kumakampay
ang alampay ng nakapakong pagong. Umawit ang fraile:
In nomine Patris et Filii et Spiritus Santi. Elyat, datu ng mga Ilongot, binibinyagan kita sa pangalang Sebastian del Valle. Nalusaw at naging rosaryo ang plumahe ng agilang nakasuksok sa buhok ni Elyat.
3.
Biglang umalingawngaw ang isang musmos na tinig:
mâ-ê tugang-gang! mâ-ê tugang-gang!
Dumugo ang aking ilong, at nalaglag ang aking mga tainga.
Wala akong maintindihan gayong nagmumula sa aking bibig ang tinig,
gayong kasabay ito ng pintig ng aking dibdib:
mâ-ê tugang-gang! mâ-ê tugang-gang!
Tumatangis na tumalilis ang kalaro kong batang Ilongot,
halos liparin niya ang bundok ng Susong-Dalaga.
Mayamaya, tumambad sa akin ang aking sarili: tumatawid sa pilapil,
sunong ang bakol ng pananghaliang ihahatid ko
sa mga manananim ng sibuyas sa Sitio Abuyo.
Ano ang ibig sabihin ng mâ-ê tugang-gang.
Hindi ko alam, hindi ko alam. Umagos ang aking luha,
inanod ang simbahan, natunaw ang bakal na krus at umalimbukay
ang mga balumbon ng ulap na kalawang.
4.
Kabilugan ng buwan. Yumayanig sa nagsasalimbayang indak
ang makinis na lupang napapalibutan ng mga kubo,
umaalingawngaw ang mga pinapalong gong at biyas ng kawayan,
kumikintab ang ngiti ng buwan sa talim ng mga fal-feg at fong-kao
habang iwinawasiwas, pinaiikot ng mga mananayaw-mandirigma.
(Ilang baboy-damo na kaya ang binutas nila ang tagiliran?
Ilang Kristyano na kaya ang kanilang pinugutan?)
Pumalahaw si Elyat, kumawag sa kumot na nakasakbat
sa likod ng kanyang amang umaawit ng baliwayway:
Ta alim’bawa we maduken bilay mo
Sicapo ma manalima di’ke…
Atembawa sumican capo Ossong,
Sica ma mañgoma
Kasabay ng buka ng aking bibig:
… kapag nagkaroon ka ng mahabang buhay,
aalagaan mo ako sa aking pagtanda;
kapag binata ka na, aking anak,
ikaw naman ang hahalili sa akin sa bukid.
Nilamon ng kulog ang lahat ng tunog at tinig.
Mayamaya’y tumaginting ang talim ng badang,
nakipagtagisan sa mga siit at puno ng talahib.
Iniluwa ng kadawagan ang isang lalaking nakabahag:
madiin ang kanyang hakbang, itinatatak sa lupa
ang panganay na yapak sa iluluwal na bulaos.
Di nagtagal, sumipol ang isang kaingin,
sinaliwan ng awit ng isang babaeng nagdadalang-tao.
Sa sinapupunan ng basal na gubat,
sa gilid ng humahalakhak na ilog,
tumubo ang isang kubo,
umuha ang isang sanggol.
Isinilang ang isang tribo.
5.
In nomine Patris et Filii et Spiritus Santi. Dagling dumanak ang dilim.
Nagkalansingan ang nagpipingkiang mga sable at badang.
Sumirit ang dugo, gumulong ang mga ulong gumambala sa kaputian
ng mga bulaklak ng talahib. Credo in Deum Patrem omnipotentem,
dumagundong ang mga kanyon. Creatorem caeli et terrae.
Et in Iesum Christum, Filium eius unicum, Dominum nostrum
Nanginig ang mga bato at nagpista sa laman at lamad
ang mga damong Makahiya. Muling umindak ang mga talampakan
at umalimpuyo ang alikabok. qui conceptus est de Spiritu Sancto,
natus ex Maria Virgine, passus sub Pontio Pilato, crucifixus,
mortuus, et sepultus, descendit ad infernos – pumaimbulog sa langit
ang mga alipato at palahaw ng nagliliyab na tribo,
sumundo ng sigwa:
Lupaypay na pakpak bakit ihihimlay
mga puno’t dampa’y tupok na kalansay?
6.
Bumukaka ang aking bunganga:
may bagong silang,
may bago nang buhay,
bagong bansa, bagong galaw
sa bagong lipunan,
nagbabago ang lahat –
Umangil ang mga makina at higanteng lagare,
tumimbuwang ang mga puno at nalunod ang mga gulod, pilapil at ilog.
Nagbalik si Minggan, ang higanteng mangingibig
ng isang diwatang may koronang waling-waling.
Hatak ng higante ang karitong puno ng buldoser at armalayt.
Sa isang iglap – naghihilik pa ang mga manok –
naitayo niya ang dam. Pero nasaan ang gantimpalang
pag-ibig ng diwatang may koronang waling-waling?
Nasaan si Maria Sinukuan?
Misioneros del Sagrado Corazon, Cebu City. 2:49 n.u.
03 Agosto 1983